| 
  • If you are citizen of an European Union member nation, you may not use this service unless you are at least 16 years old.

  • You already know Dokkio is an AI-powered assistant to organize & manage your digital files & messages. Very soon, Dokkio will support Outlook as well as One Drive. Check it out today!

View
 

Filipinos in History

Page history last edited by PBworks 16 years, 3 months ago
Ang aklat na Filipinos in History ay lathala ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan (NHI). Ito ay isang katipunan ng mga talambuhay ng mga bayani ng ating bansa at ng mga Pilipino na    naging tanyag sa kani-kanilang larangan. Nakapagbibigay ng inspirasyon sa kapwa nila Pilipino ang kanilang naging buhay, mga nagawa at naiambag. Dahil dito, naniniwala ang Komisyon sa Wikang Filipino na nararapat lamang isalin sa Filipino ang limang tomong aklat na ito bukod pa sa matibay na dahilang iniatas ito sa tanggapan gaya ng isinasaad sa letra F, seksiyon 14 ng Batas Republika Blg. 7104.

 
ANDRES C. BONIFACIO

(1863 - 1897)

Noong Nobyembre 30, 1863, isinilang at pinangalanang Andres ang unang anak ng mag-asawang mahirap, isang sastre at isang simpleng maybahay, na naging bayani sa kasaysayan. Ang mga magulang niya ay sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro. Bininyagan siya ni Padre Saturnino Buntan sa simbahan ng Tundo.

 
Mababa lamang ang pinag-aralan ni Andres Bonifacio dahil sa kahirapan na lumala pa nang mamatay ang kanyang mga magulang. Sa murang gulang, natuto si Andres na itaguyod ang mga nakababatang kapatid.  Nagtinda siya ng mga baston at mga pamaypay na yari sa papel at pinasok ang iba’t ibang trabaho upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Nagtrabaho siyang clerk at mensahero sa Fleming and Company, isang kompanya ng pangangalakal na pag-aari ng mga British.   Nataas siya ng katungkulan bilang ahente ng mga produkto ng kompanya. Pagkaraan, lumipat siya sa Fressel and Company na pag-aari ng Aleman.
 
Bagama’t abala siya sa paghahanap ng ikabubuhay, nagawa pa rin niyang madagdagan ang kaalaman sa pagbabasa ng mga aklat at iba pang babasahin. Nabasa niya ang Noli me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal, ang La Solidaridad ng mga repormista at marami pang ibang banyagang aklat, makasaysayan man o mapanghimagsik, na may salin sa Espanyol. Pati  na ang Banal na Bibliya ay kanyang nabasa. Sa kanyang pagbabasa, nagising ang alab ng pagkamakabayan sa kanyang puso. Sa sariling pag-aaral at sa pagsali sa mga dulang panteatro o moro-moro, napahusay niya ang kanyang Tagalog, ang wikang ginamit niya sa panghihimok sa himagsikan.

 

Dalawang ulit na nag-asawa si Andres. Una kay Monica, ang kanyang kapitbahay sa Tundo, na namatay sa ketong isang taon makaraan silang ikasal at, ikalawa, kay Gregoria de Jesus na taga-Caloocan. Pinakasalan niya si Gregoria noong 1893 sa Simbahan ng Binondo. Tumayong ninong at ninang si Restituto Javier at ang asawa nitong si Benita Rodriguez. Si Javier ay kaibigan ni Bonifacio at kasamahan sa Fressel and Company at naging kasama rin niya sa pagpapalaganap ng Katipunan. Muli silang ikinasal ni Gregoria sa seremonya ng Katipunan. Nagkaroon sila ng isang anak na lalaki na namatay noong 1896.

 

Dahil nalantad sa mga pang-aabuso ng mga awtoridad na Espanyol at kahalubilo ang mga taong tulad niya’y may malayang pag-iisip, dahil rin sa pagiging isang Mason at hilig na magbasa ng mga aklat na may pagkiling sa himagsikan, naharap sa hamon si Bonifacio. Noong Hulyo 7, 1892, itinatag niya ang Katipunan o KKK, daglat para sa Kataastaasan Kagalanggalang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, kasama sina Ladislaw Diwa at Teodoro Plata sa bahay ni Deodato Arellano sa Tundo. Kasama niya ang unang dalawa sa pangangasera sa isang bahay sa kalye Sagunto (ngayon ay kalye Santo Cristo) Si Diwa ay isang estudyante ng abogasya sa Universidad de Santo Tomas at si Plata ay isang empleado sa Binondo.

 

Karagdagan pa sa tatlo sina Deodato Arellano at Valentin Diaz. Pinalakas nilang lahat ang mga pagpapaliwanag at panghihimok sa pagsapi sa Katipunan.  Hindi nagtagal, maraming sumapi sa samahan na lumaganap sa mga kalapit na lalawigan. Umiral ito na tila pamahalaang may “gabinete” na pinili sa pamamagitan ng halalan. Si Bonifacio ang naging ikatlong pangulo pagkaraan ng maikling panahon ng paglilingkod nina Deodato Arellano at Roman Basa. Kasama si Emilio Jacinto bilang kalihim at pinagkakatiwalaang tagapayo, pinamahalaan ni Bonifacio ang mga gawain ng Katipunan.  Noong Abril 12, 1895, dinala ni Bonifacio ang kanyang mga tauhan sa kabundukan ng San Mateo at Montalban. Naisip nila na mapapakinabangan ang mga kuweba ng Makarok at Pamitinan para sa mga layunin ng Katipunan. Isinulat ni Bonifacio sa gilid ng Pamitinan: Mabuhay ang Kalayaan ng Pilipinas.

 
Dahil sa malaking paggalang kay Rizal, na noon ay nakadistiyero sa Dapitan, pinapunta rito ni Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela upang hingin ang tulong ni Rizal para sa balak na himagsikan, ngunit pinayuhan ni Rizal ang Katipunan na maghanda muna ng mga panustos na salapi, armas at kaalaman sa digmaan bago sumugod sa paghihimagsik. Hindi natigatig sa malamig na tugon ni Rizal, sinikap ni Bonifacio na humingi ng tulong sa mga Hapones. Nakipag-usap siya kay Almirante Kanimura subalit ayaw nitong isabak ang kanyang bansa sa himagsikan. Gayunman, ipinagpatuloy ni Bonifacio ang pangangalap ng mga Katipunero, na ang karamihan ay mga magbubukid at pangkaraniwang empleado ng pamahalaang kolonyal.

 

Noong Agosto 19, 1896, natuklasan ni Padre Mariano Gil, kura paroko ng Tundo, ang Katipunan at agad itong ipinagbigay-alam sa pamahalaan.  Kasunod nito, dinakip ang mga pinaghihinalaang kasapi kaya’t wala nang mapagpipilian si Bonifacio kundi magdeklara ng himagsikan noong Agosto 23 nang taon din na ito sa Pugad Lawin sa bahay ni Juan Ramos, anak ni Tandang Sora.  Dito pinunit ng mga Katipunero ang kanilang mga sedula at sumigaw ng “Mabuhay ang Katipunan! Mabuhay ang Kalayaan ng Pilipinas!” Pagkaraan ng pitong araw, sinalakay nila ang garrison sa San Juan. Madali silang naitaboy subalit ito na ang nagpasiklab sa sabay-sabay na pag-aalsa ng mga nakikipaglaban para sa kalayaan at nakikiisa sa pulang watawat ng Katipunan mula sa mga lalawigang kalapit ng Maynila, Cavite, Laguna, Batangas, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija at Tarlac. Nang araw rin na ito ng unang pag-aalsa, Agosto 30, idineklara ni Gobernador Heneral Ramon Blanco ang mga lalawigang ito sa ilalim ng batas militar.

 

Habang tumitindi ang himagsikan, hinati ng mga suliraning panloob ang mga Katipunero sa Cavite – ang Magdiwang na pinamunuan ng kasamahan ni Bonifacio na si Mariano Alvarez at ang Magdalo na pinamunuan ni Baldomero Aguinaldo, pinsan ni Heneral Emilio Aguinaldo.  Naniniwala ang dalawang pangkat na ang kanilang pinagtatalunang liderato at ang bisa ng Katipunan bilang lupong tagapamahala ng himagsikan ay malulutas lamang ng Supremo. Sapagkat walang napagkasunduan ang magkalabang pangkat sa kanilang pulong sa Imus noong Disyembre 31, 1896, ipinasya nilang magpulong muli sa  Tejeros noong Marso 22, 1897. Ang tila simpleng usapin na kailangang malutas ay magiging isa palang trahedya.

 

Sa pulong sa Tejeros, ang Katipunan ay pinalitan ng isang pamahalaang republika at nagkaroon ng halalan ng mga pinuno. Sa halalan, si Emilio Aguinaldo ang nanalong pangulo at si Bonifacio naman ang Direktor ng Interyor  ngunit pinagdudahan ni Daniel Tirona ang kakayahan ni Bonifacio na hawakan ang ganitong katungkulan sapagkat hindi siya abogado. Dahil sa pagkainsulto, binantaang babarilin ng Supremo si Tirona subalit may mga namagitan. Dahil sa matibay na paniniwalang may mga naganap na anomalya noong halalan na  pumabor sa mga Magdalo, idineklara ni Bonifacio na walang bisa ang halalan. Sumang-ayon si Heneral Artemio Ricarte na nanalong Kapitan Heneral at hindi ito nanumpa sa katungkulan.

 

Noong Marso 23, kinabukasan pagkaraan ng halalan, binalangkas ng partido ni Bonifacio ang dokumentong Acta de Tejeros na nagsasaad ng kanilang mga dahilan sa hindi pagtanggap sa resulta ng halalan at sa kanilang balak na humiwalay sa pamahalaang binuo sa Tejeros. Dahil dito, inatasan ni Heneral Emilio Aguinaldo, na nagpasiya bilang pangulo ng katatatag na gobyerno, si Koronel Agapito Bonzon na dakpin ang Supremo.

 

Si Bonifacio, ang kanyang asawa, mga kapatid na sina Ciriaco at Procopio, at ang kanyang mga tauhan ay naabutan sa baryo ng Limbon, Indang. Sa sagupaan, nasaksak si Bonifacio sa kanyang babagtingan, napatay si Ciriaco at nasugatan si Procopio.  Mula Abril 29 hanggang Mayo 4, si Bonifacio at ang kanyang mga kapatid ay nilitis ng Konseho ng Digma na binuo ni Emilio Aguinaldo. Napatunayan silang nagkasala ng pagtataksil at panunulsol laban sa pamahalaan at nahatulan ng kamatayan.  Ibinaba ni Aguinaldo ang pasyang ito sa pagpapatapon subalit sa pagdadahilan na maaaring patuloy na guluhin ng Supremo ang pagkakaisa ng rebolusyonaryong puwersa, ipinatupad ang naunang hatol.  Noong Mayo 10, si Bonifacio at ang kanyang kapatid ay dinala sa Bundok Nagpatong. Dito sila pinatay at ibinaon sa mababaw na libingan ni Komandante Lazaro Makapagal na inatasan ni Heneral Mariano Noriel na magpatupad ng hatol na kamatayan.

 

Pagkaraan ng maraming taon, noong Pebrero 16, 1921, nilagdaan ng Pamahalaan ng Pilipinas ang Batas Bilang 2946 na nagdedeklara sa Nobyembre 30 taun-taon bilang isang legal na pista opisyal.  Noong Nobyembre 30, pagkaraan ng siyam na taon, inilagay ang panulukang bato ng monumento ni Bonifacio sa Grace Park, Caloocan.  Maraming paaralan at kalsada ang ipinangalan sa kanya.                                   

 

 

JULIAN A. BANZON

 

Pambansang Siyentipiko

(1908-1988)
 

Si Julian A. Banzon ay isang kilalang siyentipiko, iskolar, propesor at biyopisikal na kemist. Siya ay ipinanganak sa Balanga, Bataan noong Marso 25, 1908.  Ang mga magulang niya ay sina Manuel S. Banzon at Arcadia Arca.

 
Pagkatapos niya ng titulong Batsilyer ng Agham sa Kemistri sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1939 ay agad siyang kinuha ng UP College of Agriculture bilang assistant instructor. Nagturo siya rito ng isang taon bago itinaas sa pagiging instructor sa kemistring pang-agrikultura sa parehong kolehiyo noong 1931. Bilang pensiyonado ng UP, ipinagpagtuloy niya ang pag-aaral sa paaralang gradwado sa Iowa State University sa Estados Unidos noong 1937 at nagtapos siya ng titulong doktor ng pilosopiya sa biyokemistri (maynor sa micro-biology) noong 1940.  Ang kanyang disertasyon sa pagkadoktoral ay tungkol sa “fermentative utilization of cassava.”
 
Sa pagbabalik ni Dr. Banzon sa Pilipinas ay nahirang siya bilang assistant professor sa kemistring pang-agrikultura ng UP College of Agriculture at nagturo doon hanggang 1951. Simula 1951 hanggang 1955 ay tatlong posisyon ang hinawakan niya: associate professor, associate chemist at pangalawang puno ng Kagawaran ng Kemistring Pang-agrikultura. Noong 1956 ay tumanggap siya ng grant para sa pag-aaral gamit ang radioisotopes sa agrikultura, ang ICA Type A grant. Makalipas ang dalawang taon ay tinanggap niya ang pagkakahirang sa kanya bilang punong siyentipiko sa Philippine Atomic Energy Commission. Milya na ang narating niya sa propesyon nang mahirang siya bilang unang direktor ng Philippine Atomic Research Center.  Nang magtaapos ang kanyang panunungkulan niya bilang direktor ay binigyan siya ng PAEC ng plake ng pagpapahalaga para sa kanyang kapuri-puring pamumuno at panunungkulan.
 
Bumalik siyang muli sa UP College of Agriculture at nagsilbi bilang propesor at tagapangulo ng departamento ng kemistring pang-agrikultura mula Agosto 1, 1963 hanggang Marso 24, 1970. Pagkatapos, siya ay naging officer-in-charge ng dibisyon ng teknolohiya at agham pampagkain ng UP Los Baños mula Marso 25, 1970 hanggang Hunyo 30, 1972. Nagtapos ang propesyon niya sa agham at edukasyon bilang propesor sa teknolohiya ng pagkain at agham mula Hulyo  1972 hanggang Marso 1973 nang magretiro siya sa UP College of Agriculture.
 
Naging bantog si Dr. Banzon sa larangan ng kemistri nang umani siya ng mga pagkilala sa mga mahahalaga niyang pag-aaral tungkol sa niyog sa Pilipinas at iba pang lehitimong sangkap bilang “panibagong mapagkukunan ng mga kemikal at gas.”  Nanguna siya sa pag-aaral hindi lamang ng niyog kundi pati na rin ng tubo sa Pilipinas at nakapaglabas ng kauna-unahang gawa, ang pinanggagalingan ng gas at ito ay ang ethyl esters na mula sa niyog at tubo. Bukod doon, bumuo siya ng bago at siyentipikong paraan ng kemikal na pagkakatas sa labi ng mantikang galing sa niyog bilang kapalit ng prosesong pisikal na palagian ng ginagamit.
 
Noong Hulyo 14, 1959, siya ay binigyan ng sertipiko ng pagpapahalaga ng tanggapan ng kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura at Likas na Yaman bilang pagpapahalaga sa kanyang “Outstanding Research Work on Extraction of Coconut Oil”. Tumanggap din siya ng plake galing sa UP Chemical Society bilang katangi-tanging nagtapos sa kemikal; plake ng paglilingkod na ipinagkaloob ng samahan noong 1972 sa idinaos na mga seminar ng Chemical Society of the Philippines tungkol sa niyog at ang gawad PHILSUGIN sa pananaliksik na ipinagkaloob ng Crop Society of the Philippines noong 1976. Noong 1978 ay ipinagkaloob sa kanya ng Professional Regulation Commission ang gawad bilang “Kemiko ng Taon”. Makalipas ang dalawang taon ay ipinagkaloob naman sa kanya ang Distinguished Service Award ng Integrated Chemist of the Philippines, Incorporated at noong 1986 pinarangalan siya ng Distinguished Alumnus Award ng state university.
 
Si Dr. Banzon ay madalas naiimbitahan sa mga komperensyang pangsiyentipiko sa buong mundo. Noong 1960, sumama siya sa pulong ng lupon ng mga gobernador ng International Atomic Energy Agency at sa panlahatang komperensiya ng kapareho ring ahensiya na ginanap sa Vienna, Austria. Noong Oktubre nang sumunod na taon dumalo siya sa Ikaapat na Komperensiya ng Japan sa Radioisotopes na ginanap sa Kyoto, Japan. Dumalo din siya sa IAEA’s Study Group Meeting tungkol sa Utilization of Research Reactor na ginanap naman sa Bangkok, Thailand noong Disyembre 17-21, 1962.  Naging delegado din siya ng Pilipinas sa ginanap na ika-11 Kongreso ng Agham Pasipiko sa Tokyo, Japan noong Agosto 1966 ganoon din sa ika-12 Kongreso ng Agham Pasipiko na ginanap sa Canberra, Australia noong Agosto 1971.
 
Bukod sa pagtuturo sa UP Los Baños, nagsilbi din si Dr. Banzon sa komite ng unibersidad sa agham agricultural at sa iba pang ad hoc committee. Miyembro din siya ng iba’t ibang organisasyon kasama na ang Society for the Advancement of Research, ang Sigma Xi ng Iowa State University, ang Radioisotopes Society of the Philippines, at ang Gamma Sigma Delta Honor Society of Agriculture (UP Los Baños Chapter) kung saan nanungkulan siya bilang pangulo. Naging tagapangulo din siya ng dibisyon ng kemika at agham parmasyutikal ng National Research Council of the Philippines at bilang miyembro ng lupon ng mga direktor  ng  Chemical Society of the Philippines mula 1972 hanggang 1973.
 
Noong Hulyo 9, 1981, si Dr. Banzon kasama si Dr. Clare Baltazar isang entomolohiya at si Dr. Amando M. Dalisay, isang ekonomista ay naging miyembro ng Pambansang Akademya ng Teknolohiya at Agham.  Pagkatapos ay nagsilbi naman siya bilang miyembro ng konsehong tagapagpaganap ng NAST.
Noong Hulyo 1986 ay ipinagkaloob sa kanya ni Pangulong Corazon Aquino ang titulong Pambansang Siyentipiko dahil sa mahalaga niyang ambag sa larangan ng kemistri sa Pilipinas. Isang pagkilala na karapat-dapat niyang matanggap noon pa man.
 
Ang napangasawa ni Dr. Banzon ay si Vivencia Fernandez kung saan sila ay nagkaanak ng sampu.  Namatay siya noong Setyembre 13, 1988 sa edad na 80 taon.

 

 
EMILIO AGUINALDO

(1869 - 1964)

 
Si Emilio, may palayaw na Miong, ay ipinanganak noong Marso 22, 1869 sa Cavite El Viejo (Kawit ngayon). Pampito siya sa walong anak nina Kapitan Carlos Aguinaldo y Jamir at Kapitana Trinidad Famy y Valero. Nag-aral siya ng primarya sa paaralang publiko sa Kawit. Siyam na taon pa lamang siya nang mabiyuda ang kanyang ina. Pinag-aral siya nito sa Colegio de San Juan de Letran. Gayunman, huminto si Aguinaldo ng pag-aaral at  bumalik siya sa Kawit.

 

Sa gulang na labimpito, nahirang na cabeza de barangay si Aguinaldo, ito ay sadyang inayos ng kanyang ina upang hindi siya maipatawag sa gawaing militar. Naging abala siya sa pangangalakal sa mga kalapit na pulo sa timog at sa Maynila. Sa mga panahong ito, namulat siya sa lumalalang kawalang-kasiyahan sa pamahalaang Espanyol. Dahil dito, sumapi siya sa Masoneriya, isang kapatirang ipinagbabawal ng simbahan at ng pamahalaan. Nanumpa siya bilang bagong kasapi ng Pilar Lodge gamit ang  pangalang Colon sa Imus noong gabi ng Enero 1, 1895. Ilang oras lamang  ito makaraang manumpa siya bilang Capitan Municipal, tungkuling ipinagkatiwala sa kanya ng tribunal elektoral.

 

Ang kanyang pakikipag-ugnay kay Santiago Alvarez ang naging dahilan upang siya ay masama sa lihim ng pangkat ni Andres Bonifacio. Pinanumpa siya noong Marso 1895 sa San Nicolas, Maynila gamit ang sagisag na Magdalo, galing sa Santa Maria Magdalena na patron ng Kawit.

 

Noong Enero 1, 1896 nagpakasal si Kapitan Miong kay Hilaria del Rosario na taga-Imus.  Noong Agosto 19 ng taon din na ito, natuklasan ng mga Espanyol ang Katipunan. Walang nagawa si Bonifacio kundi ipahayag ang paghihimagsik ng mga Katipunero, pangyayaring natala sa kasaysayan bilang “Sigaw sa Pugad Lawin.”  Bilang tugon sa panawagang ito, pinamunuan ni Kapitan Miong ang paghihimagsik sa Cavite noong Agosto 31 at ng mga sumusunod pang araw. Lahat ng labanang ito ay naging matagumpay kaya kinilala siyang kumander ng kanyang mga kapanalig sa labanan at tinawag na “Heneral”.

 

Dahil sa mga tagumpay ng pangkat nina Aguinaldo sa mga bayan ng Cavite, tinutukan ng pamunuan ng mga Espanyol ang probinsya. Hinikayat  ang mga ito na itigil ang pakikipaglaban subalit walang nangyari.  Dahil dito, nagpasya ang mga Espanyol na hulihin siya. Noong mga unang bahagi ng 1897, nagsimulang mangibabaw ang  kalaban kina Aguinaldo sa pamumuno ng bagong Gobernador Heneral na si Camilo de Polaveja na naglunsad ng mas matinding kampanya sa Cavite. Ilang bayan sa ilalim ng kontrol ng mga Katipunero ang nakubkob. Sa mga labanang naganap, marami sa mga tauhan ni Aguinaldo ang namatay kabilang ang kanyang kapatid na si Crispulo at ang kanyang dalawang heneral na sina Edilberto Evangelista at Flaviano Yengko.

 

Sa kasamaang palad, ang paghihimagsik na inilunsad ng mga Katipunero upang makalaya ang bansa sa pamahalaang Espanyol ay hindi naging daan upang maiwasan ang kanilang pag-aaway. Nahati sila sa dalawang pangkat - ang Magdalo na kumilala sa pamumuno ni Aguinaldo at ang Magdiwang na sumuporta kay Bonifacio.

 

Samantala, naharap ang Espanya sa dalawang digmaan sa Cuba at sa pangkat ng manghihimagsik ni Aguinaldo. Gusto ng Espanya na wakasan na ang pakikipaglaban kina Aguinaldo kaya ginamit ng Gobernador Heneral si Pedro Paterno upang makipagkasundo kay Aguinaldo. Nagbunga ang pakikipagkasundo ng pansamantalang pagtigil ng labanan sa Biak-na-Bato noong Disyembre 1897. Batay sa napagkasunduan, si Aguinaldo at iba pang mga lider ng himagsikan ay kusang magpapatapon sa Hongkong habang ang ibang manghihimagsik ay magsusuko ng kanilang armas sa pamahalaang Espanyol. Ang mga Espanyol naman ay magkakaloob ng pangkalahatang amnestiya at bayad-pinsala sa mga manghihimagsik at iba pang biktima ng digmaan.

 

Sa Hongkong, namuhay nang salat si Aguinaldo at ang kanyang mga kasamahang ipinatapon. Ginamit niya ang perang bayad-pinsala sa pagbili ng armas at sa  paghahanda sa pagpapatuloy ng pakikidigma sa Espanya. 

Umabot sa sukdulan ang tunggalian sa Tejeros kung saan nagtagpo ang dalawang pangkat noong Marso 22, 1897. Layunin ng pagtatagpo noong una na ayusin ang hindi pagkakaunawaan ngunit naiba ito at naging halalan para palitan ang Katipunan ng isang rebolusyonaryong pamahalaan. Humantong ito sa lalong malalim na hindi-pagkakaunawaan na nagresulta pa ng pagpatay kay Bonifacio malapit sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite noong Mayo 10, 1897. Naiwan si Aguinaldo na nag-iisang lider ng Himagsikan.Gayunman, naging mahina ang kasunduan. Hindi tinupad ng pamahalaang Espanyol ang pangakong pangkalahatang amnestiya, reporma at bayad-pinsala habang hindi naman ganap na isinuko ng hukbong Pilipino ang kanilang armas.Ang Digmaang Espanyol-Amerikano ang nagbigay kay Aguinaldo ng pagkakataon upang bumalik sa Pilipinas. Nang mga panahong ito, naniwala siya na ang mga pangako ng mga Amerikanong Konsul na sina E. Spencer Pratt at Rouseville Wildman, gayundin ni Commondore George Dewey, na hindi aagawin ang Pilipinas ay mga pangakong nagmumula mismo sa pamahalaang Amerikano.
 
Noong Mayo 1898, bumalik si Aguinaldo sa Pilipinas at ipinagpatuloy ang pakikipaglaban sa Espanya.  Bilang pagsunod sa payo ni Ambrosio Rianzares Bautista, nagtatag siya ng pamahalaang diktadura sa Cavite na hinalinhan, kalaunan, ng mga pamahalaang rebolusyonaryo at pamahalaang republika. Ang una niyang dalawang makasaysayang batas bilang Pangulo ay ang proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas sa Kawit noong Hunyo 12, 1898 at ang organisasyon ng lokal na pamahalaan.
 
Gayunman, hindi nagtagal ang pamahalaang malaya. Noong Pebrero 4, 1899, binaril ng sundalong Amerikano ang isang sundalong Pilipino sa tulay malapit sa San Juan. Kaagad na naging sanhi ito ng digmaan. Humarap ang mga Pilipino sa bagong kalabang dayuhan. Upang pangalagaan ang pamahalaan sa higit na malakas na kaaway, inilipat ito ni Aguinaldo sa iba’t ibang lugar.
 
Noong Nobyembre 12, 1899, binuwag niya ang hukbong Pilipino at naglunsad ng digmaang gerilya na napatunayang higit na mabisa. Dahil sa pagtugis sa kanya ng mga sundalong Amerikano at sa malaking halagang ipinatong sa kanyang ulo, umurong siya sa kabundukan ng Hilagang Luzon hanggang sa mahuli siya ni Frederick Funston noong Marso 23, 1901 sa Palanan, Isabela. Bagaman nagsimulang sumuko ang mga heneral ni Aguinaldo, ilan pang heneral tulad nina Artemio Ricarte at Miguel Malvar ang patuloy na nakipaglaban. Sa dakong huli, nagwakas din ang Digmaang Pilipino-Amerikano.  Nang manumbalik ang kapayapaan at itinatag ang gobyernong sibil ng mga Amerikano, namuhay si Aguinaldo bilang magsasaka.
 
Nabahala siya sa katayuan ng kanyang mga kasamahang manghihimagsik kaya binuo niya ang Veteranos de la Revolucion upang tiyaking magkaroon ng pensyon ang mga miyembro at humanap ng paraan para makabili ng hulugang lupa mula sa pamahalaan.
 
Noong Marso 6, 1926, namatay ang kanyang maybahay at naiwan  sila ng kanilang limang anak - sina Miguel, Carmen, Emilio Jr., Maria at Cristina. Noong Hulyo 14, 1930, sa gulang na animnaput isa, nagpakasal siya kay Maria Agoncillo na pamangkin ni Felipe Agoncillo, ang kanyang ministro plenipotensiyaryo nang siya ay pangulo ng Republika. Binantayan niyang mabuti ang mga pagbabago sa kalagayang pampulitika sa ilalim ng  pamahalaang sibil ng mga Amerikano. Noong 1935, kumandidato siyang pangulo ng Commonwealth sa ilalim ng National Socialist Party subalit natalo siya kay Manuel Luis Quezon na Pangulo noon ng Senado.
 
Nasaksihan ni Aguinaldo ang isa pang pakikidigma sa isa pang dayuhang kalaban - ang Hapones - na nagwakas noong 1945. Nang ipahayag ng mga Amerikano ang kalayaan ng Pilipinas noong Hulyo 4, nakipagtalo siya na hindi ito wasto sa kasaysayan. Ipinahayag niya na ang tunay na petsa ng kalayaan ay Hunyo 12, ang araw noong 1898 nang iwinagayway niya ang watawat sa Kawit at binasa ni Ambrosio Rianzares Bautista ang proklamasyon ng kalayaan. Naayos lamang ito noong 1962 nang pagtibayin ni Pangulong Diosdado Macapagal ang kanyang inihayag na proklamasyon. Kinilala ni Aguinaldo ang hakbang ni Macapagal bilang pagkilala sa pinakadakilang tagumpay ng Himagsikan noong 1896.
 
Noong Pebrero 16, 1964, namatay si Aguinaldo sa sakit na coronary thrombosis sa Veterans Memorial Hospital sa Lungsod Quezon. Isang taon bago siya mamatay, ipinagkaloob na niya ang kanyang lupa at mansyon sa pamahalaan. Ang ari-ariang ito ngayon ang nagsisilbing dambana ng “walang kamatayang” diwa ng Himagsikan ng 1896.

 


FELIPE  AGONCILLO

(1859 –l941)

 

 

Si Felipe Agoncillo ang pinakatampok na rebolusyonaryo sa kasaysayan ng diplomasyang Pilipino.  Isa siyang abogado, makabayan at statesman. Ipinanganak siya sa isang mayaman at kilalang pamilya sa Taal, Batangas noong Mayo 26, 1859. Ang kanyang mga magulang ay sina Ramon Agoncillo at Gregoria Encarnacion. Bata pa lamang, nagpakita na siya ng di pangkaraniwang katalinuhan. Dahil dito, nagpasya ang kanyang mga magulang na bigyan siya ng pinakamahusay na edukasyon. Pinadala siya sa Maynila at ipinasok sa Ateneo Municipal kung saan lagi siyang may karangalan simula elementarya hanggang hayskul.

 

Para ipagpatuloy ang kanyang pampilosopiyang pag-aaral, lumipat siya sa Universidad de Santo Tomas. Natapos niya rito ang kanyang digri sa Bachelor of Arts na may matataas na grado sa gulang na labing-apat.  Pagkaraan ng anim na taon ng matiyagang pag-aral, pinagkalooban siya ng Licentiate in Jurisprudence na may pinakamataas na karangalan. Simula sa pagkabata, naging saksi si Agoncillo sa kawalang katarungan ng mga Espanyol. Nakita niya ang kalupitan ng mga Espanyol sa kanyang bayan. Isang araw noong 1868, nang siya ay siyam na taong gulang, nakita niya sa balkonahe ng kanyang kuwarto ang isang pangkat ng carabineros nang hulihin at itali ng mga ito ang kanyang tiyo. Agad siyang bumaba at walang takot na nagwika, “Ano ang ginagawa ninyo sa tiyo ko?” Sumagot sila, “Pinaghihinalaan siya na ismagler ng tabako.”

 

Sagot ng batang Agoncillo, “Hindi magnanakaw ang tiyo ko; hindi ninyo siya dapat tratuhin nang ganyan.” Napahiya ang carabineros kaya inalis nila ang posas at dinala ang tiyo ni Agoncillo sa kuwartel ng Guardia Civil. Pinalaya rin siya nang mapatunayan na wala siyang kasalanan.

 

Pagkaraan ng isang taon ng pag-aabogado sa Maynila, napilitang umuwi si Agoncillo upang pamahalaan ang ari-arian ng kanyang pamilya nang mamatay ang kanyang mga magulang. Nag-abogado siya sa Taal at nagbigay ng libreng serbisyong legal sa mga inaapi at mahihirap. Sa labas ng opisina niya ay may nakasulat: “Libreng serbisyong legal sa mga mahihirap anumang oras.”

 

Nagalit ang mga prayle kay Agoncillo at sa kanyang pamilya dahil sa pakikialam ni Agoncillo bilang abogado sa iba’t ibang kasong sibil. Inakusahan siya sa Taal at sa San Luis, Batangas ng kura paroko, ng Guardia Civil, at ng ilang residente ng pagpapalaganap ng mga ideyang hindi patriotiko at kontra-relihiyon. Tumestigo ang mga ito laban sa mga kilos niyang kontra-prayle, inakusahan siyang filibustero sa harap ni Gobernador Heneral Roman Blanco, at inirekomenda ang pagpapatapon sa kanya. Bilang sagot sa mga akusasyon, sumulat si Agoncillo ng petisyon sa gobernador heneral noong Nobyembre 2, 1895. Ipinamalas niya rito ang kanyang katatagan at determinasyon. Aniya sa sulat, “kapag napatunayan na ako ay may kasalanan, tatanggapin ko ang pinakamabigat na parusa alinsunod sa batas; subalit kapag napatunayan na wala akong kasalanan, ang kaukulang parusa ay dapat ipataw sa nagparatang sa akin.”

 

Gayon man, ipinagpatuloy ng kanyang mga kaaway ang pag-uusig sa kanya hanggang sa iniutos ang pagpapatapon sa kanya sa ibang bansa noong Pebrero 17, 1896.  Sa babalang ibinigay ng kanyang mga kaibigan, sumakay siya sa barkong Hapon na Heorimi Maru noong Abril 24, 1896. Pagkaraan ng sandaling pagtigil sa Yokohama, lumipat siya sa Hongkong at sumama siya doon sa ibang Pilipinong desterado. Kalaunan, nakasama rin niya rito ang kanyang asawa at mga anak. Sa pagkakataong ito sumiklab ang himagsikan. Bagaman nasusundan ng mga Pilipinong makabayan ang takbo ng mga pandaigdigang pangyayari sa Hongkong, hindi sila tiyak sa kapalaran ng kanilang bayan. Hindi ito nakapigil kay Agoncillo na gumamit ng nom de guerre na Kita sa pag-uukol ng lahat ng kanyang oras, lakas at salapi sa rebolusyonaryong pakikibaka.

 

Pagkatapos ng Kasunduan ng Biak-na-Bato, itinatag ang Sentrong Komiteng Rebolusyonaryo sa Hongkong bilang tagapangalap ng gamit at pondo at tagapagpropaganda ng rebolusyonaryong gobyerno.  Pinamunuan ito ni Felipe Agoncillo na humalili kay Jose Ma. Basa.

 

Nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano, itinalaga si Agoncillo ng Rebolusyonaryong Gobyernong Pilipino bilang Ministro Plenipotensyaryo upang pumasok sa mga kasunduan sa mga dayuhang pamahalaan. Noong Setyembre 2, 1898, sumakay sa barkong China sina Agoncillo at Sixto Lopez. Dumating sila sa Washington, D.C. noong Setyembre 27.  Sa kasamaang palad, hindi opisyal na tinanggap ni Pangulong William Mckinley si Agoncillo. Upang makaakit ng makikiisa sa layuning kalayaan para sa Pilipinas, umapela si Agoncillo sa mga obispong Amerikano ng simbahang Episcopalian. Naniniwala siya na walang saysay na umapela sa Apostolic Nuncio sa Washington dahil itinuring niya ito na “mahigpit na kaaway ng kalayaang Pilipino.”

 

Bigo na makakuha ng pagkilala sa kalayaan ng Pilipinas sa Washington, tumuloy si Agoncillo sa Paris, Pransya upang katawanin ang Pilipinas sa komperensya sa kapayapaan ng España at Estados Unidos.  Doon ipinahayag niya: “Hindi papayag ang mga Pilipino na bilhin o ipagbili ang kanilang mga bahay na parang paninda; handa sila na ipaglaban ang kanilang karapatan.”

 

Pagkaraan na malaman ang pagpapatibay sa Treaty of Paris, nagharap siya ng Memorandum sa Peace Commission sa pamamagitan ni Heneral Francis Greene. Binanggit niya rito na hindi sinasaklaw ng kasunduan ang kanyang pamahalaan yamang “hindi pinakinggan ng Commission ang mamamayang Pilipino o tinanggap sila sa deliberasyon gayong may hindi sila matatawarang karapatan na makisangkot sa lahat ng maaaring  makaapekto sa kanilang hinaharap sa buhay.”

 

Noong Disyembre 12, 1899, dalawang araw pagkaraan na lagdaan ang kasunduan sa Paris, nagharap ng pormal na protesta si Agoncillo sa pangulo at mga delegado sa Spanish-American Commission.  Sinabi niya na walang legal na karapatan o katayuan ang España sa Pilipinas.  Idineklara rin niya na wala nang kapangyarihan ang pamahalaang Espanya sa Pilipinas at ang tanging kapangyarihan na umiiral sa bansa ay iyong itinatag ng mga Pilipino mismo.

 

Dahil kailangang pagtibayin ng Senado ng Estados Unidos ang kasunduan, kaagad na bumalik sa Washington, D.C. si Agoncillo noong Disyembre 24, 1899 upang hadlangan ang pagpapatibay rito. Naniniwala siya na ang tagumpay ng diplomasya ay nakasalalay sa katapatan. Kaya sumulat siya sa Kalihim ng Estado John Hay noong Enero 11, 1899 na nag-uudyok ng matapat na pagkakaunawaan sa pagitan ng mga kinatawan ng dalawang bansa upang maiwasan ang labanan sa Pilipinas. Gayon man, walang nangyari sa lahat ng kanyang pagsisikap dahil ang Kasunduan ay mabilis na pinagtibay noong Pebrero 6, 1899.  Sumiklab na noon ang Digmaang Pilipino-Amerikano.

 

Simula noon, naging target ng pamumuna sa pahayagan si Agoncillo. Upang makaiwas sa pag-uusig, lihim siyang sumakay ng barko papuntang Montreal, Canada noong Pebrero 5, 1899. Habang naglalakbay, nawala niya ang mahahalagang dokumentong dala niya nang lumubog ang barko. Gayon man, nakarating siya sa Montreal kung saan pinagtangkaan siyang patayin.

 

Hinangaan ang kanyang magagandang katangiang personal hindi lamang ng kanyang mga kababayan kundi gayundin ng mga lider ng ibang bansa. Humanga rin sa kanya si Pangulong Mckinley na nagwika, “Kung maraming Pilipino ang tulad ng kanilang kinatawan, wala nang magiging tanong pa tungkol sa kanilang karapatan na mamahala sa kanilang sarili.”

 

Noong Hulyo 15, 1901, bumalik sa Hongkong si Agoncillo at muling pumaloob sa Hongkong Junta. Nang matapos ang Digmaang Pilipino-Amerikano, bumalik siya ng Pilipinas na isang mahirap na tao. Naubos niya lahat ang kanyang naipon at naipagbili pati ang alahas ng kanyang asawa.  Gayon man, hindi nagpakita ng anumang pagsisisi si Agoncillo dahil alam niya na ang mga ginastos niya ay para sa bayan.

 

Pagbalik, ipinagpatuloy ni Agoncillo ang kanyang pagiging abogado at pinasok niya ang pulitika. Noong 1906, tumulong siya sa pagbuo ng Comite de Union Nacional, na nakilala kalaunan na Partido de a Union Nacional, na may layuning pag-isahin ang lahat ng partido na nagtataguyod ng kalayaan. Nahalal siyang delegado ng unang distrito ng Batangas sa Asamblea ng Pilipinas noong 1907. Isa siya sa mga lumagda sa resolusyon ng Asamblea noong 1908 na humihiling ng kalayaan ng Pilipinas. Pagkaraan ng isang taon, gumawa sila ng resolusyon ni Leon Ma. Guerrero na nananawagan ng pagtatatag ng halal na Senado.

 

Dalubhasa na sa batas, kumuha pa si Agoncillo ng pagsusulit na revalida noong 1905. Nakakuha siya ng pinakamataas na marka sa pagsusulit. Pagkaraan, nahirang siya na pangulo ng College of Lawyers. Nagningning ang kahusayan niya sa batas sa pagtatanggol niya sa El Renacimiento. Isinakdal ng libelo ang mga patnugot nito ni Dean C. Worcester. Inakala niya na siya ang pinapatungkulan ng editoryal nito na may pamagat na Aves de Rapiña.

 

Noong 1923 sa panahon ng pangangasiwa ni Gobernador Heneral Leonard Wood, hinirang siyang Kalihim ng Interyor. Ito lamang ang nombramyento na  pinagtibay ng Senado. Bilang miyembro ng Gabinete, ipinaglaban niya ang Pilipinisasyon ng serbisyong panggobyerno.

 

Namatay si Agoncillo noong Setyembre 29, 1941 sa gulang na walumpu’t dalawa sa Manila Doctors’ Hospital. Naulila niya ang kanyang maybahay na si Marcela Mariño Agoncillo (gumawa ng watawat ng Pilipinas) at ang kanyang mga anak na sina Lorenza, Gregoria, Eugenia, Marcela at Maria.

 


 

MARCELA MARIÑO-AGONCILLO

(1860 – 1946)

 

Isang matapang at magandang babae na habang panahong madadambana sa kasaysayan bilang “Gumawa ng Watawat ng Pilipinas” si Donya Marcela Mariño- Agoncillo. Ipinanganak siya sa Taal, Batangas noong Hunyo 24, 1860 kina Francisco Mariño at Eugenia Coronel. Sinasabi na ang kanyang mga magulang ay mayaman at relihiyoso.

 

Noong bata pa, siya ang ipinapalagay na pinakamaganda sa Batangas. Mataas at matikas, tinawag siya na “Roselang Hubog,” ang birheng nakaluklok sa simbahan ng bayan. May mga kuwento na nagsasabing matiyagang inaabangan siya sa umaga ng mga tao kasama ang kanyang katulong o matandang kamag-anak upang magsimba. Nakadagdag sa kanyang likas na kagandahan ang napakagandang blusang piña na kulay perlas at ang mahabang palda na karaniwan niyang isinusuot.

 

Kilala ang kanyang mga magulang na madisplina.  Nang dumating ang panahon na mag-aaral siya sa Maynila, pinili nila ang kumbentong kilala sa mahigpit nitong alituntunin. Ito ang Sta. Catalina College ng mga madreng Dominiko na itinatag sa Intramuros.

 

Habang nasa Sta. Catalina, natuto siya ng Espanyol, musika, mga kasanayang pambabae at wastong pagkilos sa lipunan. Kilala rin siyang mang-aawit at paminsan-minsang lumalabas sa mga sarsuwela sa Batangas.

 

Likas sa isang babaeng maganda at may mataas na katayuan sa lipunan gaya ni Marcela ang magkaroon ng maraming manliligaw na naghahangad na siya ay pakasalan subalit sinuklian lamang sila ng pagwawalang-bahala ni Marcela at ng pagtutol ng kanyang mga magulang.

 

Magandang lalaki, mayaman at abogadong may magandang kinabukasan si Don Felipe Agoncillo na mula rin sa isang kilalang pamilya sa Taal. Ipinalagay na mainam siyang kapareha ni Marcela. Gayunman, matagal na naghintay si Agoncillo upang makamit ang puso ni Marcela at ang pahintulot ng kanyang mga magulang.  Hukom na si Don Felipe nang sila ay ikasal. Parehong malapit na sila sa gulang na tatlumpu  noon at kapwa na ulila.

 

Anim ang kanilang naging anak: Lorenza, Gregoria, Eugenia, Marcela, Adela na namatay sa gulang na tatlo, at Maria. Pinalaki niya ang kanyang mga anak na mabubuting dalaga. Isa sa pinakapaborito niyang payo sa mga ito ang “mamuhay nang matapat at maayos, at magtrabaho at huwag umasa sa ari-arian ng pamilya.” Masaya at magkakasundo ang pamilya Agoncillo.

 

Tulad ng kanyang asawa, makabayan din si Donya Marcela na nagdurusa sa tuwing makikitang naghihirap ang kanyang mga kababayan sa kalupitan ng mga Espanyol.  Matapang at matapat siyang nanindigan sa tabi ng kanyang asawa na matatag na tumutol sa mga tiwaling awtoridad na Espanyol at nagtanggol sa mga karapatan ng tao.  Nanindigan siya sa tabi ng kanyang asawa kahit na pinaparatangang filibustero ng kanyang mga kaaway.

 

Bilang tunay na Pilipina noong panahon ng mga Espanyol, tinuruan siya noong bata pa na sumunod sa nais ng kanyang ama. Bilang maybahay, pinaubaya niya sa kanyang asawa ang mahahalagang pagpapasya. Kaya, tahimik niyang tinanggap ang pasya ng kanyang asawa na kusang magpatapon sa Hongkong upang maiwasan ang utos na pagpapatapon sa kanya sa Jolo.

 

Nang gawin ang pasyang ito noong Abril 1895, may isang oras lamang na natitira si Don Felipe bago umalis ang barko patungong bansang Hapon. Hindi na siya nangahas pang umuwi ng bahay para magpaalam sa kanyang pamilya. Dumaan siya sa Estrella del Norte upang bumili ng pasalubong na ipinadala niya kalaunan sa kanyang maybahay na isang tunay na “reyna ng tahanan.” Ang kanyang regalo, ang pinahahalagahan niyang hiyas, ay gintong pulseras na may mga brilyanteng sumasagisag sa bawat nabubuhay nilang anak.

 

Dahil sa Kasunduan ng Biak-na-bato noong Disyembre 1897, kusang nagpatapon sa Hongkong si Heneral Aguinaldo kasama ang apatnapung rebolusyonaryong lider.

 

Dumalaw si Aguinaldo sa bahay ng mga Agoncillo sa Hongkong. Hiniling niya kay Donya Marcela na gumawa ng bandilang Pilipino.  Agad siyang pumayag sa kahilingan nang makita niyang malaking pagkakataon ito upang makapaglingkod sa kanyang bayan. Tinulungan siya ng kanyang panganay na anak na si Lorenza at ni Gng. Delfina Herbosa de Natividad, pamangkin ni Rizal sa kanyang kapatid na si Lucia.

 

Tungkol sa unang watawat na ginawa batay sa bagong disenyo, sinabi ni Aguinaldo, “ang unang pambansang bandilang Pilipino ay ginawa ng mga Agoncillo sa Hongkong. Ito ang watawat na dinala ko sa Cavite nang bumalik ako mula sa pagpapatapon at marahang iwinagayway sa balkonahe ng tahanang Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898.”

 

Ayon kay Donya Marcela sa isang nakasulat na pahayag “Sa bahay Blg. 535, Morison Hill sa tahanan naming pamilyang ipinatapon dahil sa pambansang layunin, nagkaroon ako ng magandang kapalaran na gawin ang unang watawat ng Pilipinas sa atas ng magiting na pinunong Hen. Emilio Aguinaldo y Famy …. Limang araw ang inabot sa paggawa ng Pambansang Watawat at, nang matapos, ako mismo ang naghatid nito kay Heneral Aguinaldo bago siya sumakay sa McCulloch.… Si Heneral Aguinaldo ang pinakamahusay na saksi na makapagbibigay ng impormasyon kung ito ang watawat na unang iwinagayway sa Cavite o hindi sa simula ng paghihimagsik sa kapuluang ito laban sa pamahalaang Espanyol.”

 

Natuwa si Aguinaldo sa watawat at binati si Donya Marcela at ang kanyang mga katulong na gumagawa nito. “Malaki ang watawat na yari sa satin,” ayon kay Don Felipe na nakasaksi sa pagtahi ng watawat. Dagdag niya, “Maganda ang pagkakaburda nito sa ginto at taglay nito ang kasalukuyang mga bahaging asul at pula at puting tatsulok na may araw at tatlong bituin.”

 

Noong 1895-1906, nanatili sa Hongkong si Donya Marcela kasama ang kanyang mga anak. Pinangalagaan niya ang kanilang tahanan sa Hongkong na naging asilo ng mga lider na Pilipino. Maging si Josephine Bracken ay nagtago rito nang bantaan siyang pahihirapan ng mga Espanyol.

 

Pagkaraang bumagsak ang unang Republikang Pilipino at matatag ang rehimeng Amerikano, tinapos nina Donya Marcela at ng kanyang pamilya ang pananatili sa Hongkong. Naubos ang kanilang pondo dahil sa maraming gastusin ni Don Felipe sa kanyang mga gawaing diplomatiko sa Pransya at Estados Unidos. Ipinagbili niya ang kanyang mga alahas hindi lamang para panggastos nila pauwi sa Maynila kundi para madagdagan din ang pondo ng rebolusyon.

 

Pagkabalik sa Maynila, tumira ang mga Agoncillo sa bahay ng pamilya sa Malate. Bumalik sa pag-aabugado si  Don Felipe Agoncillo.

 

Sa kabila ng pakikisalamuha ni Donya Marcela sa mayayaman, hindi niya nakalimutan ang mahihirap. Nakasanayan na niyang limusan mga pulubing palaging lumalapit sa kanya tuwing Sabado. Minsan, nakita ni Don Felipe sa bintana ng kanyang kuwarto ang isang malusog na tao na tumatanggap ng limos mula sa isa sa kanyang mga anak na babae. Pagkaalis ng tao, pinatawag niya ang kanyang anak at tinanong. “Binigyan mo ba ng limos ang taong iyon?” “Opo, Tatay” sagot niya. “Sinabi niya na nabalitaan niya na tayo ay mabait at matulungin,” dagdag niya. “Narinig niya na tayo ay mga baliw,”  tugon ng tatay niya.

 

Lubhang ikinalungkot ni Donya Marcela at ng kanyang mga anak ang pagkamatay ni Don Felipe. Lagi niya itong kasama sa buong panahon ng magulong taon ng Himagsikan.

 

Sa panahon ng pananakop ng Hapones, ang pamilyang Agoncillo (ang biyuda at ang nabubuhay na mga anak na babae) ay nakaranas din ng kakulangan ng mga pangunahing pangangailangan at ng kalupitan ng mananakop na Hapones Bagaman kakaunti ang pagkain, ibinibigay ni Donya Marcela ang bahagi nito sa nagugutom.  Kapag nagreklamo ang kanyang anak, sinasabi niya, “kung mahirap magbigay, lalong mahirap manghingi.”

 

Si Donya Marcela, na nabuhay sa pinakamapanganib at makasaysayang panahon ng bayan, ay patuloy na nagsilbing batis ng inspirasyon.  Magaan niyang tinanggap ang lahat ng pagdurusa.

 

Praktikal din siyang tao. Nang masunog ang kanilang bahay, sinabi niya na “kailangan na nating umuwi sa Taal.”

 

Bagaman nakaligtas siya sa labanan sa Maynila,  patuloy na humina ang kalusugan ni Donya Marcela. Patuloy siyang nangulila sa pagkamatay ng kanyang asawa at malungkot na namumuhay sa nalalabing taon ng kanyang buhay.

 

Sa araw ng pag-akyat ng Panginoon sa langit, ika-30 ng Mayo 1946, tahimik na pumanaw si Donya Marcela sa gulang na walumpu’t anim. Sunod sa kanyang huling habilin, dinala ang kanyang bangkay mula sa Taal patungong Maynila at inilibing sa tabi ng kanyang asawa sa sementeryong Katoliko sa La Loma.

 

Doon sa musoleo ng pamilya nakahimlay ang dakilang mag-asawang Don Felipe at ang kanyang pinakamamahal na kabiyak na si Donya Marcela.

 

Kay Donya Marcela utang ng buong bansa ang walang kamatayang pamana na pambansang watawat.


 

GREGORIO AGLIPAY
(1860 – 1940)
 
Ang pormal na paglulunsad noong 1902 ng isang pambansang simbahang Pilipino na tinawag na Iglesia Filipina Independiente ay pagsasakatuparan ng adhikain na unang inihapag sa Asamblea ng Paniqui noong 1899 para sa pag-oorganisa ng mga Pilipinong pari. Simula ang pagtitipong ito ng isang rebolusyong pangrelihiyon na nakaapekto sa buhay ng maraming Pilipino. Nasa unahan ng pagbubuo ng asamblea ang isang dating paring Katoliko na makabayan, lider-gerilya at unang Obispo Supremo ng Iglesia Filipina Independiente. Siya si Gregorio Aglipay Cruz y Labayan.
 
 
Ipinanganak si Aglipay sa Batac, Ilocos Norte noong Mayo 5, 1860. Ang kanyang mga magulang ay sina Pedro Aglipay Cruz at Victoriana Labayan Hilario. Kaunti lamang ang nalalaman ukol sa kanyang pamilya: ang nakakatandang kapatid na lalaki na si Benito ay maagang namatay; si Canuto na isang guro ay matanda ng isa o dalawang taon kay Gregorio.
 
 
Namatay ang kanyang ina nang si Gregorio ay isang taon at pitong buwan pa lamang. Nang maulila, inalagaan si Aglipay ng tiyo at tiya ng kanyang ina. Masipag at masayahing bata si Aglipay; ginugol niya ang kanyang kabataan sa bukid sa pagtulong sa pagtatanim ng tabako. Isang hindi magandang pangyayari nang siya ay labing-apat na taong gulang ang di niya malilimutan. Dahil hindi siya nakaabot sa kinakailangang kota sa tabako, hinuli si Aglipay at iniharap sa gobernadorcillo. Naging dahilan ito upang magtanim siya ng galit sa mga awtoridad na Espanyol.
 
 
Nagsimula ng pag-aaral si Aglipay sa kanyang bayan. Noong 1876 nagpunta siya sa Maynila at nag-aral sa pribadong paaralan ni Julian Carpio, isang abogado. Pagkaraan ng dalawang taon at, sa tulong pinansyal ng tiyo ng kanyang ina na si Francisco del Amor, nag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran kung saan nagsilbi siyang capista. Masipag na mag-aaral si Aglipay. Tinapos niya ang kanyang digri sa Bachelor of Arts sa Letran bago siya nag-aral ng abogasya sa Universidad de Santo Tomas. Gayunman, nagpasya siyang mag-aral ng pagpapari sa Vigan Seminary noong 1883.
 
 
Inordinahang pari si Aglipay sa Maynila noong Disyembre 21, 1889. Una siyang nagmisa noong Enero ng sumunod na taon. Walong taon siyang naglingkod na coadjutor (katuwang na kura paroko) sa iba’t ibang parokya: Indang, Cavite; San Antonio, Nueva Ecija; Bocaue, Bulacan; San Pablo, Laguna; at Victoria, Tarlac. Coadjutor siya ng San Pablo nang sumiklab ang Rebolusyong Pilipino noong Agosto 1896.
 
 
 
May mga ideyang radikal si Aglipay at walang dudang ang damdamin niya ay para sa rebolusyon. Subalit noon lamang maitalaga siya sa Victoria, Tarlac noong huling bahagi ng 1896 tuwiran siyang nakilahok sa kilusan. Batid ng marami na nagbibigay siya ng tulong sa mga rebolusyonaryo. Sa Victoria, naaalala si Aglipay bilang bayani at tagapagpalaya. Naalala ni Joaquin Rigor, matandang residente ng Victoria, na iniutos ng kura parokong Espanyol noong 1897 na hulihin at patayin lahat ng mga lalaking residente makaraang maipaalam sa kanya na may ugnay sa rebolusyonaryong kilusan ang maraming kilalang pamilya. Gayon man, napigil ni Aglipay na noon ay coadjutor (katuwang na kura paroko) ang pagpatay nang makiusap siya sa prayleng Espanyol at garantiyahang walang kasalanan ang mga ito. Binawi ang utos at pinalaya ang mga ito.  
 
 
Noong Oktubre 20, 1898, itinalaga si Gregorio Aglipay na kapelyang militar ng Rebolusyonaryong Pamahalaan ni Emilio Aguinaldo. Bilang kapelyang militar, nagkaroon ng utang na loob sa kanya ang mga Heswitang Espanyol. Sa kanyang pamamagitan, pinalaya at pinadala sa Maynila ang mga Heswitang Espanyol na sina Padre Antonio Rosell at Felix Mir na noo’y bihag ng mga rebolusyonaryo. Sa ibang pagkakataon, namagitan siya sa panig ng ilang mga nakakulong na prayleng Espanyol sa Laoag na pinagputol ng damo sa pampublikong plasa. Gayon man, ang paghirang niya kay Eustaquio Gallardo bilang vicar heneral ng diyosesis ng Nueva Segovia ay tinukoy kalaunan na isa sa mga dahilan ng kanyang eskomunikasyon sa Simbahang Katoliko. 
 
 
Noong Setyembre ng taon ding ito, tumawag ng pulong ng mga delegado si Heneral Aguinaldo sa Malolos, Bulacan. Kinatawan ni Gregorio Aglipay ang kanyang lalawigang Ilocos Norte at isa siya sa mga lumagda sa Konstitusyon na pinagtibay ng Kongreso. Itinaas ng ranggo si Aglipay bilang vicario general castrence ni Heneral Aguinaldo ayon sa dekreto na ipinalabas noong ika-20 ng Oktubre. Sa ganitong posisyon, ipinagpatuloy niya ang gawaing sinimulan ni Padre Jose Burgos - ang Pilipinisasyon ng Simbahan sa Pilipinas. Nagpalabas siya ng ilang manipesto na nag-udyok sa mga paring Pilipino na magkaisa at pamahalaan ang Simbahan sa bansa. Ang mga manipestong ito, bukod sa ibang dahilan, ay nagbunga ng kanyang eskomunikasyon. Ang korteng pansimbahan, sa dekretong inilabas noong Mayo 1899, ay nagpasyang nagkasala siya ng pang-uudyok sa mga pari na magrebelde laban sa mga awtoridad ng simbahan.
 
 
Nang ilunsad ang bagong simbahan, inalok siya ni Isabelo de los Reyes, lider manggagawa, na maging kataas-taasang obispo. Nag-atubili siya noong una pero tinanggap din niya ang alok, bagay na tumiyak sa kanyang paghiwalay sa Simbahang Katoliko Romano. Ang kalayaan ng Pilipinas ay masidhing pithaya ni Aglipay. Sinikap niya na makapaglingkod sa kanyang bayan sa anumang paraan. Masigla siyang sundalo at epektibong lider gerilya noong Digmaang Pilipino - Amerikano. Matapang na nilabanan ng kanyang yunit-gerilya ang mga Amerikano sa ilang labanan. Noong Abril 1901, isang buwan makaraang mahuli si Heneral Aguinaldo, naisip ni Aglipay na walang kahihinatnan ang patuloy na pakikipaglaban sa mga Amerikano kaya sumuko siya kay Koronel MacCaskey sa Laoag. 
 
 
Hindi nawala kay Aglipay ang paghahangad ng kalayaan kahit nabalik na ang kapayapaan. Malalim siyang nasangkot sa kampanya para sa kalayaan noong panahon ng rehimeng Amerikano. Pinasidhi ng tagumpay ng kanyang paglalakbay sa Estados Unidos noong 1931 ang kanyang interes sa usaping pampulitika ng kanyang bansa. Noong 1935, kumandidato siya sa pagkapresidente ng Komonwelt subalit natalo siya kay Manuel L. Quezon. Iniukol ni Aglipay ang kanyang natitirang taon sa kapakanan ng kanyang simbahan.
 
 
Pinapahintulutan ng Iglesia Filipina Independiente na mag-asawa ang kanyang pari. Noong Marso 12, 1939, nagpakasal si Aglipay kay Pilar Jamias ng Sarrat, Ilocos Norte. Namatay si Gregorio Aglipay noong Setyembre 1, 1940 sa Maynila bunga ng cerebral stroke. Inilibing siya sa bayan niya sa Batac, Ilocos Sur pagkaraang una siyang ilagak sa Aglipayan Cathedral sa Tondo, Maynila at, pagkatapos na masira ang katedral noong l945, sa Temple of Maria Clara sa Sampaloc.
 
 
Ang aklat na Filipinos in History ay lathala ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan. Ito ay isang katipunan ng mga talambuhay ng mga bayani ng ating bansa at ng mga Pilipino na naging tanyag sa kani-kanilang larangan. Nakapagbibigay ng inspirasyon sa kapwa nila Pilipino ang kanilang naging buhay, mga nagawa at naiambag. Dahil dito, naniniwala ang Komisyon sa Wikang Filipino na nararapat lamang isalin sa Filipino ang limang tomong aklat na ito bukod pa sa matibay na dahilang iniatas ito sa tanggapan gaya ng isinasaad sa letra F, seksiyon 14 ng Batas Republika Blg. 7104.

 

Comments (0)

You don't have permission to comment on this page.