| 
  • If you are citizen of an European Union member nation, you may not use this service unless you are at least 16 years old.

  • Stop wasting time looking for files and revisions. Connect your Gmail, DriveDropbox, and Slack accounts and in less than 2 minutes, Dokkio will automatically organize all your file attachments. Learn more and claim your free account.

View
 

Kasaysayan

Page history last edited by PBworks 13 years, 1 month ago

Mga Probisyong Pangwika sa Saligang-Batas
 

 

  • Saligang-Batas ng Biyak-na-Bato (1896) – Ang Wikang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Pilipinas.

 

  • Saligang-Batas ng 1935 – Ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng isang wikang pambansa na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika. Hanggang hindi nagtatadhana ng iba ang batas, ang Ingles at Kastila ay patuloy ng gagamiting mga wikang opisyal.

 

  • Saligang-Batas ng 1973 – Ang Batasang Pambansa ay dapat gumawa ng mga hakbang tungo sa paglinang at pormal na adopsyon ng isang panlahat na wikang pambansa na tatawaging Filipino

 

  • Saligang-Batas ng 1987 – Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito’y dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.


 

Ang Kasaysayan ng Komisyon sa Wikang Filipino

 

Itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 na nilagdaan ng Pangulo ng Komonwelt, si Manuel L. Quezon noong Nobyembre 13, 1936. Ang pangunahing layunin ng Surian ay piliin ang katutubong wika na gagamiting batayan ng pagpapalaganap at pagpapatibay ng wikang pambansa ng Pilipinas.

 

Ang batas ay pag-alinsunod sa Konstitusyon ng 1935 na nagtatadhanang “ang Kongreso ay gagawa ng hakbang upang linangin at palaganapin ang wikang pambansa sa isang wikang katutubo.”

 

Noong Enero 13, 1937, hinirang ng Pangulo ang mga kagawad ng SWP. Si Jaime C. de Veyra ang naging unang direktor. Ang naging unang tahanan ng Surian ay ang isang maliit na silid sa Department of Public Information. Pagkaraan, nagpalipat-lipat ito: napatira sa Silid Blg. 326 ng Kongreso, nagkaroon ng silid sa Malacañang, nalipat sa Philippine Columbian, at noong 1940, napunta sa gusali ng UP Alumni sa Padre Faura. Noong 1942, napunta naman ito sa Philippine Normal School (naging College at ngayo’y University) bago napalipat sa “radio room” ng Mataas na Paaralang Mapa noong 1946. Nagbalik ito sa Malacañang noong 1947 bago napunta sa Philippine School at Arts and Trade. Nagkaroon din ito ng opisina sa isang “Japanese Temple” sa kalye Lipa, Maynila.

 

Nang itadhana ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 94 at ang Batas ng Pagbabagong Tatag ng 1947, inilipat ang pangangasiwa ng SWP sa Kagawaran ng Pagtuturo, at ito ay nanahanan sa gusali ng Edukasyon sa Arroceros. Tumagal ito roon ng 34 na taon. Noong 1984, nang buwagin ang nasabing gusali at nalipat ang noo’y Ministri (ngayo’y Kagawaran) ng Edukasyon, Kultura at Isports sa Palacio del Gobernador, lumipat ang SWP sa ikatlo at ikaapat na palapag ng Gusaling LDCI sa kanto ng EDSA at East Avenue, Lungsod Quezon.

 

Noong Enero taong 1987, batay sa nilagdaang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 ng Pangulong Corazon C. Aquino, ang SWP ay pinalitan ng Linangan ng mga Wika ng Pilipinas na pagkaraan ay binuwag naman nang buuin ang Bagong Konstitusyon ng Pilipinas noong 1987. Petsa Agosto 14, 1991 nang likhain sa bisa ng Batas Republika Blg. 7104 ang Komisyon sa Wikang Filipino. May atas ang Komisyon na magsagawa, mag-ugnay at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika ng Pilipinas.

 

Ang pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng atas ay isinagawa sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng mga patakaran, mga plano at mga programa ng iniuugnay sa iba’t ibang tanggapang pampamahalaan at maging pribado man (RA 7104, Sek. 14-g).

 

Sa kasalukuyan, ang komisyon sa Wikang Filipino ay nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas at nakabahay sa ikalawang palapag (second floor) ng Gusaling Watson, 1610 J.P. Laurel Street, San Miguel, Maynila.


Mga Naging Direktor/Tagapangulo Surian ng Wikang Pambansa, Linangan ng mga Wika sa Pilipinas at Komisyon sa Wikang Filipino

 

RICARDO MA. DURAN NOLASCO(2006-Kasalukuyan). 

 

Guro, iskolar at linggwista. Nakatuon sa ang komitment sa multilinggwal na adhikain. Ang katwiran nito ay ibinatay sa pagiging multilinggwal at pagiging multikultural ng mga Pilipino. Ang kasalukuyang administrasyon ng KWF ay naniniwala sa napakalaking bentahe ng pagkakaroon ng Pilipinas ng mahigit na 170ng wika sa halip na isang disbentahe. Ang natural na kundisyon ng karaniwang Pilipino at ng karaniwang mamamayan sa daigdig ay hindi lang iisa ang alam na wika. Kinikilala ng KWF ang kahalagahan ng mga wikang ginagamit ng mga Pilipino – ang katutubong wika para sa literasiya at edukasyon ng mga mamamayan, etnikong pangangailangan at pang-araw-araw na gamit; ang wikang pambansa para sa pambansang kamalayan, pagkakaunawaan, pakikipag-ugnayan at pagkakakilanlan; at ang mga wikang pang-ibayong dagat na tutugon sa pangangailangan ng wika ng malawak na komunikasyon (language of wider communication) at wika ng ugnayang pang-internasyonal.

 

Kaugnay ng bagong bisyon ng KWF, nagkaroon ito ng mga bagong programa at proyekto, tulad ng mga sumusunod: pinalalakas nito ang mga programa sa leksikograpiya; programa sa balarila ng Pilipinas; programa sa ponolohiya, ponetika at ortograpiya; pambansang programa sa pagsasalin; proyekto sa sa pagmamapa ng mga wika sa Pilipinas; proyekto sa bibliograpiya ng mga wika sa Pilipinas; programa para sa endangered languages; corpus ng mga wika sa Pilipinas. Sinisikap ng KWF na itayo ang Library at Archives of Philippine languages; napataas ang kantidad at kalidad ng mga publikasyon; nagdadaos ng mga seminar, workshop, lektyur, at iba pang aktibidad na pang-edukasyon; pinapaganda ang website; nagkakaloob ng mga research grants o tinutulungan ang mga stakeholder na makakuha ng mga research grants; nagtatayo ng mga language councils sa mga rehiyon; pinalalakas ang mga kakayahang pang-IT at pampananaliksik, at higit sa lahat sinisikap na magkaroon ng sarili tahanan at gusali ng wika.


 

NITA P. BUENAOBRA (1999-2006)

 

Guro at manunulat. Binigyang tuon ang pagpapatibay sa mga proyekto ng mga Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino (PSWF) sa bawat etnolinggwistikong rehiyon na nakabase sa isang pang-estadong unibersidad o kolehiyo. Binigyang pagpapahalaga at pansin ang mga rehiyunal na wika sa pamamagitan ng paghanda/pagbuo ng mga diksyunaryong traylinggwal.


 

PONCIANO B.P. PINEDA (1970-1999).  

 

Manunulat, guro, linggwista at abogada.  Tatlong rebolusyonaryong pagbabago ang ibinunsod ng SWP sa kanyang pangunguna: ang Edukasyong Bilinggwal noong 1974, ang wikang Filipino na ang nucleus ay Pilipino (na unang inlunsad noong 1983 at naging batayan ng probisyong pangwika ng Konstitusyon ng 1986) at ang Alpabetong Filipino na pinagtibay noong 1987. Itinatag ang 12 Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino sa buong kapuluan.


 

JOSE VILLA PANGANIBAN (1955‑1970) (1946-1947)

 

Makata, lexicographer at linggwista. Pinagtuunan ng pansin ang pagpa­paunlad ng wika. Nagdaos ng mga pasanayan sa korespondensya opis­yal sa buong bansa. Binalikat ang pagsasalin at pananaliksik. Bunga nito ang paggamit ng wikang pam­bansa sa mga diploma, pasaporte, atb. Nailathala ang English‑Tagalog Dictionary na sinimulan sa pana­hon ng panunungkulan ni Cirio H. Panganiban, at sinimulan ang tala­salitaan ng walong pangunahing wika sa Pilipinas. Noong 1959, ang Wikang Pambansa na batay sa Taga­log ay tinawag na Pilipino.


 

CECILIO LOPEZ (1954‑1955)

 

Isko­lar at linggwista. Binigyang‑diin ang linggwistika at pinasigla ang maka­bagong linggwistikong pag‑aaral sa wikang pambansa at iba pang mga katutubong wika sa Pilipinas.


 

CIRIO H. PANGANIBAN (1948‑1954)

 

Manunulat, makata, mandudula, abogado. lpinagpatuloy ang dik­syunaryong pinasimulan ng kan­yang sinundan. Pinasimulan ang paghahanda ng mga ispesyalisadong talasalitaan, tulad ng Legal Terms, Arithmetical and GeometrIcal Terms at iba pa. Binuong muli ang Lupong Sanggunian ng SWP.


 

 

JULIAN CRUZ BALMACEDA (1947­-1948)

 

Mandudula, makata, nobe­lista. Nakapagpalimbag ng mga panayam at inumpisahan ang paggawa ng Diksiyunaryong Tagalog.


 

LOPE K. SANTOS (1941-1946)
 
Makata, mandudula, nobelista, lider manggagawa at pulitiko.   Pinasigla ang pagsusulat sa wikang pambansa. Nagdaos ng mga seminar at pasanayan sa paggamit ng wikang pambansa sa UP, PNU at iba pa. Ang mga dokumento at palatastasan ng pamahalaan ay isinalin at ang opisyal na Gazatte ay inilathala sa wikang pambansa.

 
JAIME C. DE VEYRA (1937‑1941)
 
Unang direktor at "tagapagtatag ng wikang pambansa."  Sa panahon ng kanyang panunungkulan, pinag-aralan ang mga wika sa PIlipinas upang piliin ang isa sa mga ito na magiging batayan ng wikang pambansa. Napili ang Tagalog at naghanda ng gramatika at bokabularyo ng nasabing wika na inilathala noong 1940.

 

Ebolusyon ng Wikang Pambansa

 

  • Disyembre 30, 1937, iprinoklama ng Pangulong Quezon na ang wikang Tagalog ang magiging batayan ng Wikang Pambansa. Magkakabisa ang proklamasyong ito dalawang taon matapos itong mapagtibay. 

 

  • Noong 1940, ipinag-utos ang pagtuturo ng Wikang pambansa sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

 

  • Simula Hunyo 4, 1946, nagkabisa ang Batas Komonwelt Blg. 570 na nagproklama na ang Wikang Pambansa na tatawaging Wikang Pambansang Pilipino ay isa nang wikang opisyal.

 

  • Noong 1959 ibinaba ng Kalihim Jose B. Romero ng Edukasyon ang Kautusang Pangkagawaran blg. 7 na nagsasaad na ang Wikang Pambansa ay tatawagin nang Pilipino upnag mailagan na ang mahabang katawagang “Wikang pambansang Pilipino” o “Wikang Pambansa Batay sa Tagalog”.

 

  • Ngayon, Filipino na ang ngalan ng wikang pambansa, alin­sunod sa Konstitusyon ng 1987 na nagtatadhanang "ang wikang pam­bansa ng Pilipinas ay Filipino." Ito ay hindi pinaghalu‑halong sangkap mula sa iba't ibang katutubong wika; bagkus, ito'y may nukleyus, ang Pilipino o Tagalog.


 

Ebolusyon ng Alpabetong Filipino
 
 
Nang dumating ang mga Kastila noong Dantaon 16, may sarili nang palatitikan ang ating mga ninuno, ang Alibata o Baybayin, na binubuo ng 14 katinig at 3 patinig.
Pinalitan ito ng mga Kastila ng alpabetong Romano.
Noong 1940, sa kanyang Balarila ng Wlkang Pumbansa, binuo ni Lope K. Santos ang Abakada, na may 20 titik:
                     a b k d e g h i I m n ng o p r s t u w y
Noong Oktubre 4,1971, pinagtibay ng Sanggunian ng SWP ang pina­yamang alpabeto, na binubuo ng 31 letra:
                     a b c ch d e f g h i j k 1 11 m n ñ ng o p q r rr s t u v w x v z
Kaugnay ng pagbago ng Konstitusyon, muling nireporma ng SWP ang alpabetong Filipino at mga tuntunin ng palabaybayang Filipino. Ito ay bilang pagtugon sa mabilis na pagbabago, pag-unlad at paglaganap ng wikang pambansa. Matapos ang  seryengmga simposyum at sangguniang pulong na dinaluhan ng mga linggwista, edukador, guro, manunulat at iskolar ng wika, nabuo ang sumusunodna Alpabetong Filipino, na may 28 letra:
                     a b c d e f g h i j k I m n ñ ng o p q r s t u v  w x y z
Noong 2001, muling nagkaroon ng rebisyon sa alpabetong Filipino upang tugunan ang patuloy na development at/o istandardisasyon ng sistema ng pagsulat sa Filipino. Itinaguyod ng rebisyong ito ang leksikal na pagpapayaman ng Filipino sa pamamagitan ng pagluluwag sa panghihiram ng salita at pagsasalin, karamihan mula sa Ingles at Kastila, gamit ang walong karagdagang letra ng alpabeto, ang mga letrang c, f, j, ñ, q, v, x, z. Sa rebisyong ito, sinasabi na pinaluwag ang paggamit ng walong dagdag na letra. Ipinagagamit ang mga ito sa ispeling ng lahat ng hiram na salita anuman ang barayti nito kasama ang hindi pormal at hindi teknikal na barayti, o iyong tinatawag na karaniwang salita.
Gayunpaman, nagkaroon ng maraming negatibong reaksyon at feedback mula sa mga guro, estudyante, magulang at iba pang tagagamit ng wika sa 2001 rebisyon sa ispeling. Kaugnay nito, noong Oktubre 9, 2006 ang Kagawaran ng Edukasyon sa kahilingan ng KWF ay nagpalabas ng isang memorandum na pansamantalang nagpapatigil sa implementasyon ng “2001 Revisyon ng Alfabeto at patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino”.
Noong Agosto, 2007, inilabas ng KWF ang borador ng Ortograpiya ng Wikang Pambansa na binuo ng KWF sa pamamagitan ng serye ng mga konsultasyon sa mga guro, dalubhasa sa wika, superbisor sa Filipino at sa mga larangang ito sa buong bansa noong 2007 hanggang 2007. ang pinal na bersyon ng patnubay ay ipalalabas ng KWF bago matapos ang 2007.

Comments (0)

You don't have permission to comment on this page.