Mandato


 

 

 MANDATO

     Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay nilikha ng Batas Republika Blg. 7104 (Agosto 14, 1991) na iniaatas ng Konstitusyon ng Pilipinas, na magsagawa, mag-ugnay at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika ng Pilipinas.

 

 

 Batas Republika Blg. 7104

      Isang batas na lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino, nagtatakda ng mga  kapangyarihang nito, mga tungkulin at mga gawain, naglalaan ng gugulin ukol   dito, at para sa iba pang mga layunin.  Pinagtibay nina Ramon V. Mitra, Jovito R.  Salonga, Camilo L. Sabio, Edwin P. Acoba, Pangulo Corazon C. Aquino noong  Agosto 14, 1991.

 

Senate No. 209

House Bill No.  21280

 

Republika ng Pilipinas

Konggreso ng Pilipinas

Metro Manila

 

      ISANG BATAS NA LUMILIKHA NG KOMISYON SA WIKANG  FILIPINO, NAGTATAKDA NG MGA KAPANGYARIHANG  NITO, MGA TUNGKULIN AT MGA GAWAIN, NAGLALAAN NG GUGULIN UKOL DITO, AT PARA SA IBA PANG MGA LAYUNIN

 

      Pagtibayin   ng    Senado  ng    Kapulungan   ng  mga   Kinatawan   ng Pilipinas na nagkakatipon    sa   Konggreso:

 

 

SEK. 1  Maikling Pamagat. - Ang Batas na ito’y makikilalang  “Batas ng Komisyon sa Wikang Filipino.”

 

 

SEK.  2  Pagpapahayag ng Patakaran. - Alinsunod sa atas ng Konstitusyon, inihahayag dito na patakaran ng Pamahalaan na tiyakin at itaguyod ang ebolusyon, pagpapaunlad at pagpapayaman pa ng Filipino na wikang pambansa ng Pilipinas, batay sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at iba pang wika. tungo rito, ang Pamahalaan ay gagawa ng kinakailangang mga hakbang upang maisakatuparan ang naturang patakaran.

 

 

SEK.  3  Katuturan ng mga Termino. - Gaya ng pagkakagamit ng Batas na ito, ang mga sumusunod na mga termino ay binibigyan ng ganitong mga katuturan:

 

  • a) Komisyon - tumutukoy sa Komisyon sa Wikang Filipino.

 

  • b) Tagapangulo - tumutukoy sa Tagapangulo ng Komisyon.

 

  • c) Filipino - tumutukoy sa wikang pambansa ng Pilipinas.

 

  • d) Mga Wika ng Pilipinas - tumutukoy sa mga katutubong wika ng Pilipinas,  kasama ang wikang pambansa  at mga wikang rehyonal at lokal.

 

  • e) Wikang rehyonal - tumutukoy sa lingua franca o sa karaniwang sinasalitang wika ng rehyon.

 

  • f) Pangunahing wika - tumutukoy sa isang wika sinasalita at ginagamit ng sangkalimampu (1/50) man lamang o dalawang porsyento (2%) ng lahat ng
    Pilipino, batay sa pinakahuling natipong datos ng Pambansang Opisina ng Sensus.

 

  • g) Wikang eksilyari - tumutukoy sa isang partikular na wika, na sinasalita sa ilang tiyak na pook, na umaalalay o tumutulong sa pambansa at/o opisyal
    na mga wika sa nakatalagang mga tungkulin nito.

 

  • h) Iba pang mga wika - tumutukoy sa mga wikang dayuhan, maging opisyal o hindi man, kailan man at nakaimpluwensya sa mga katutubong wika at kultura sa isang kaantasan.

 

  • i) Mga rehyong etnolinggwistiko - tumutukoy sa ilang tiyak na lawak heograpikal na ang isang partikular na grupo ng mga tao ay nagsasalita ng isang wika.

 

  • j) Mga disiplina - tumutukoy sa iba’t ibang larangan ng karunungan.
     

 

SEK.  4  Paglikha ng Komisyon sa Wikang Filipino. - Nililikha sa pamamagitan nito ang isang komisyon na makikilalang Komisyon sa wikang Filipino, na binubuo ng mga kinatawan ng  iba’t ibang grupong etnolinggwistiko at iba-ibang disiplina, na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika ng Pilipinas na tuwirang sasailalim ng Opisina ng Pangulo.

 

 

SEK.  5  Pagkakabuo ng Komisyon. - ang Komisyon ay bubuuin ng labing-isang (11) komisyoner, na ang isa ay magsisilbing Tagapangulo. Kakatawanin ng mga komisyoner ang mga pangunahing wika ng Pilipinas, na binibigyang-katuturan sa Seksyon 3 ng Batas na ito: Tagalog, Sebwano, Ilokano, Hiligaynon at ang pangunahing wika ng Muslim Mindanao; ang kahilagaang mga Pamayanang Kultural; ang Katimugang mga Pamayanang Kultural; at ang iba pang mga wika ng Pilipinas o mga rehyong linggwistiko ayon sa maaaring ipasya ng Komisyon; Sa Pasubali, Na apat (4) man lamang sa mga komisyoner na ito ay kakatawan din sa iba’t ibang disiplina.

 

Ang Tagapangulo at dalawa (2) sa mga komisyoner ay magsisilbi nang full-time; ang natitirang walo (8) ay magsisilbi nang part-time at dadalo sa regular at espesyal na mga pulong ng Komisyon.

 

 

SEK.  6  Paghirang at Kwalipikasyon ng mga Komisyoner. -  Ang mga komisyoner ay hihirangin ng Pangulo, sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang, mula sa listahan ng mga nominee na isusumite ng iba’t ibang rehyong linggwistiko sa bansa. Hihirangin ng Pangulo mula sa labing-isang (11) komisyoner ang Tagapangulo at ang dalawang (2) komisyoner na full-time. Hihirang din ang Pangulo, mula sa nalalabing walong (8) komisyoner, ng apat (4) na komisyoner na magsisilbi para sa takdang panahon na tatlong (3) taon. Kung absent ang Tagapangulo, pipili ang mga komisyoner ng isang pansamantala o akting na Tagapangulo mula sa dalawang (2) komisyoner na full-time.

 

Walang sinumang mahihirang na komisyoner matangi kung siyaý likas na isinilang na mamamayang Pilipino, mga tatlumpung (30)  taong gulang man lamang, nag-aangkin ng malinis na katangiang moral at kinikilala sa kanyang kadalubhasaan sa linggwistika, sa kultura at sa wika ng rehyong etnolinggwistiko at sa disiplinang kanyang kinakatawan.

 

 

SEK.  7  Takda ng Panunungkulan. - Ang Tagapangulo at ang dalawang (2) komisyoner na full-time ay magsisilbi sa loob ng takdang panahon na pitong (7) taon. ang apat (4) na nalalabing komisyoner  ay magsisilbi sa loob ng takdang panahon na limang (5) taon at ang apat (4) na iba pang komisyoner, sa loob ng takdang panahong tatlong (3) taon. Ang mga komisyoner ay maaaring hiranging muli ng Pangulo para sa maksimum na isang (1) takdang panahon ng panunungkulan sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang.

 

 

SEK. 8  Bakante. -  Kung sakali’t magkaroon ng bakante bago matapos ang takdang panahon ng panunungkulan ng isang komisyoner, ipagsisilbi  lamang ng kahalili ang di natatapusang bahagi ng takdang panahon ng katungkulang  nabakante. Ang Komisyon, sa loob ng tatlumpung (30) araw mula sa petsa ng pagkakaroon ng bakante, ay magrerekomenda sa Pangulo ng panghalili mula sa listahan ng mga nominee na isinumite ng partikular na rehyong etnolinggwistiko na apektado ng bakante, sa kompirmasyon ng Komisyon sa Paghirang: Sa Pasubali, Na, kung sakali’t ang Komisyon  ay magkulang sa pagsasagawa ng naturang  rekomendasyon, ang bakante ay lalagyan ng Pangulo ng tauhan, na mula rin sa listahan ng mga nominee at sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang.

 

 

SEK.  9  Kompensasyon. - Ang Tagapangulo at ang dalawang (2) komisyoner na full-time ay magkakatulad na ranggo, mga pribilehyo, sahod, mga alawans at iba pang mga gantimpagal katulad ng sa Tagapangulo at mga kagawad,  ayon  sa  pagkakasunod, ng  ibang mga komisyong konstitusyonal, na
hindi mababawasan sa loob ng takdang panahon ng kanilang panunungkulan. Ang   bawat  isa  sa mga  komisyoner  na  part-time  ay   tatanggap  ng  kanyang kompensasyon sa anyo ng onoraryum para sa bawat pulong na kanyang dadaluhan, sa halagang itatakda ng Komisyon.

 

 

SEK.  10  Tuntunin ng mga Kaparaanan at mga Pulong. - Ang Komisyon ay maglalagda  ng  sarili nitong mga tuntunin at mga prosidyur at magsesesyon nang minsan man lamang sa isang buwan o sindalas ng pangangailangan ayon sa pasya ng quorum para sa pagganap ng mga gawain nito.

 

 

 

SEK.  11  Istrukturang Organisasyonal. - Itatakda ng  Komisyon ang istrukturang organisasyonal nito: Sa Pasubali, Na ang mga tauhang teknikal ng Komisyon ay hindi saklaw ng mga tuntunin at mga regulasyon ng Opisina ng Pasahod at/o mga pangunang pangangailangan sa eligibility ng Komisyon ng Serbisyo Sibil.

 

 

SEK.  12  Direktor Heneral. - Magkakaroon ng isang direktor heneral na hihirangin ng Komisyon para sa takdang panahon ng panunungkulan na pitong (7) taon na maaaring mahirang muli para sa maksimum na isang (1) term. Itatakda ng Komisyon ang mga kapangyarihan, mga gawain, mga tungkulin at kompensasyon ng direktor heneral.

 

 

SEK.  13  Ang Sekretaryat. - Magkakaroon  ng sekretaryat na pamumunuan ng direktorheneral. ang mga gawain, mga tungkulin at kompensasyon ng mga tauhan nito ay itatakda ng Komisyon, sa rekomendasyon ng direktor heneral.

 

 

SEK.  14 Mga Kapangyarihan, mga Gawain at mga Tungkulin ng Komisyon. - Ang Komisyon, ayon sa pertinenteng tadhana ng Konstitusyon, ay may mga kapangyarihan, mga gawain at mga tungkuling gaya ng mga sumusunod:

 

  • a) magbalangkas ng mga patakaran, mga plano at mga programa upang matiyak ang higit pang pagpapaunlad, pagpapayaman, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at iba pang mga wika ng Pilipinas;

 

  • b) maglaganap ng mga tuntunin,  mga regulasyon at mga patnubay upang isakatuparan ang mga patakaran, mga plano at mga programa nito;

 

  • c) magsagawa o makipagkontrata sa mga pananaliksik at iba pang mga pag-aaral upang isulong ang ebolusyon, pagpapaunald, pagpapayaman at sa dakong huliý istandardisasyon ng Filipino at iba pang mga wika ng Pilipinas. Saklaw nito ang pagtitipon at pagsasaayos ng mga akda para sa posibleng paglalakip nito mula sa multilinggwal na diksyunaryo o ng mga salita, mga parirala, mga idyom, mga koteysyon, mga salawikain at iba pang mga wika na sa
    kasalukuyan ay karaniwang ginagamit o nakasama na sa franca;
     
  • d) magpanukala ng mga patnubay at mga istandard para sa mga anyuing linggwistiko at mga ekspresyon sa lahat ng opisyal na mga komunikasyon, publikasyon, teksbuk at iba pang materyales sa pagbasa at pagtuturo;

 

  • e) ganyakin at itaguyod, sa pamamagitan ng sistema ng mga insentibo, mga grant at award, ang pagsulat at paglalathala sa Filipino at sa iba pang mga wika ng Pilipinas, ng mga obrang orihinal, pati na mga teksbuk at mga materyales na reperensya sa iba-ibang disiplina;

 

  • f) lumikha at magpanatili sa Komisyon ng isang dibisyon ng pagsasaling-wika na gaganyak sa pamamagitan ng mga insentibo, magsagawa at masiglang  magtaguyod ng pagsasalin sa Filipino at sa iba pang mga wika ng Pilipinas ng mahahalagang akdang historikal at tradisyong kultural ng mga grupong etnolinggwistiko, mga batas, resolusyon at iba pang mga aktang lehislatibo, executive issuances, mga pahayag na pampatakaran ng pamahalaan at mga dokumentong opisyal, mga teksbuk at mga materyales na reperensya sa iba-ibang disiplina at iba pang mga dayuhang materyales na maaaring ipasyang kinakailangan sa edukasyon at para sa iba pang mga layunin;

 

  • g) tawagan ang alin mang department, byuru, opisina, ahensya o alin mang kasangkapan ng Paamahalaan o ang alin mang pribadong entity, institusyon o organisasyon para sa kooperasyon at tulong sa pagtupad ng mga gawain, mga tungkulin at mga pananagutan nito;
     
  • h) mangasiwa, sa antas nasyonal, rehiyonal at lokal, ng mga pagdinig publiko, mga komperensya, mga seminar at iba pang mga talakayang panggrupo upang alamin at tumulong sa paglutas ng mga suliranin at mga isyung may kaugnayan sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at iba pang mga wika ng Pilipinas;

 

  • i)  bumalangkas at maglagda ng mga patnubay, mga istandard at mga sistema para sa pagmomonitor at pagrereport ng tungkol sa pagganap nito sa antas nasyonal, rehiyonal at lokal; at isumite sa Opisina ng Pangulo at sa Kongreso ang taunang progress report tungkol sa implementasyon ng mga patakaran, mga plano at mga programa;

 

  • j) humirang, sa ilalim ng mga probisyon ng umiiral na mga batas, ng mga opisyal at mga empleado nito at ng iba pang mga tauhang kakailanganin para sa mabisang pagganap ng mga gawain, mga tungkulin at mga pananagutan nito; at itiwalag sila dahil sa malubhang kadahilanan;

 

  • k) organisahin at reorganisahin ang istruktura ng Komisyon, lumikha o bumuwag ng mga posisyon, o magpalit ng designasyon ng umiiral na mga posisyon upang matugunan ang nagbabagong mga kondisyon o kailanman at dumarating ang pangangailangan; Sa Pasubali, Na ang naturang mga pagbabago  ay  hindi  makaaapekto  sa  istatus  ng  mga nasa pwesto, ibaba ang kanilang mga ranggo, bawasan ang kanilang mga sahod o magresulta sa kanilang pagkatiwalag sa serbisyo; at

 

  • l) gampanan  ang iba pang mga aktibidad na kinakailangan sa epektibong paggamit ng naturan sa unahan na mga kapangyarihan, mga gawain, mga tungkulin at mga pananagutan.
     

 

SEK.  15  Pribilehiyo sa Koreo. - Ang mga publikasyon ng Komisyon, tulad ng mga diksyunaryo, mga bokabularyo, mga gramatika, mga pamplet, mga sirkular, mga polyeto at lahat ng iba pang katulad na mga bagay na printed ay magtatamasa ng paggamit sa koreo nang libre sa postage.

 

 

SEK.  16  Paglilipat ng Umiiral na Ahensya. - Ang lahat ng mga tauhan, mga rekord, mga asset, ekwipment, mga pondo at mga ari-arian ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas sa ilalim ng Atas Tagapagpaganap Blg. 117 ay inililipat sa pamamagitan nito sa Komisyon, na magpapatupad, mamamahala, hahawk at magwawaksi ng  naturang mga asset, mga ar-arian at mga apropriyasyon alinsunod sa mga probisyon ng Batas na ito. Ang lahat ng mga saliksik, mga diksyunaryo, mga publikasyon at iba pang mga akdang intelektwal ng Linangan ay itinuturing, gayundin, na nalipat sa Komisyon.

 

Bibigyang-bisa ng Komisyon ang paglilipat na ditoý itinatadhana sa paraan na sisiguro sa bahagya lamang pagkaabala sa kasalukuyang mga programa ng Linangan. ang mga tauhang kwalipikado at kinakailangan ng Linangan ay inililipat sa  at nilalagom ng Komisyon: Sa Pasubali, Na ang taning, ranggo, sahod at mga pribilehiyo ng naturang mga tauhan ay hindi ibababa o lubhang maaapektuhan : Sa Pasubali pa rin, Na sa panahon bago sumapit ang aktwal na asumpsyon ng mga tungkulin ng Komisyon at pagganap nito, lahat ng mga pinuno at mga empleado ng Linangan ay patuloy na gaganap ng kanilang mga gawain at tutuparin ang lahat ng kanilang mga tungkulin at mga pananagutan: Sa Pasubali; sa wakas, Na ang umiiral na Linangan ng mga Wika sa Pilipinas ay ituturing na nabuwag na sa pagkaorganisa ng Komisyon, aktwal na asumpsyon ng mga tungkulin at pagganap nito gaya ng nararapat.

 

 

SEK.  17.  Laanggugulin. - Ang pondong kinakailangan upang maisakatuparan ang mga probisyon ng Batas na ito ay ikakarga sa apropriyasyon sa lumalakad na taong piskal ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas.  Pagkaraan niyon, ang halagang maaaring kailanganin ay inaawtorisa sa pamamagitan nito na ilaan sa Pangkalahatang Batas ng Apropriyasyon sa taong sumusunod sa  pagkapatibay nito upang maging batas.

 

 

SEK.  18.  Promulgasyon. - Ang batas na itoý ipinopromulga sa Filipino at sa Ingles at isasalin sa mga wikang rehiyonal ng Pilipinas. Kung sakali’t may pag-aalinlangan, ang bersyon sa Filipino ang mananaig.

 

 

SEK.  19.  Sugnay na nagbubukod. - Kung sakali at ang alin mang probisyon ng Batas na ito  o ang aplikasyon ng naturang probisyon ay idineklarang hindi balido, ang natitirang bahagi ng Batas na ito o ang aplikasyon ng naturang probisyon ay hindi maaapektuhan.

 

 

SEK.  20.  Sugnay na nagpapawalang-saysay. - Ang lahat ng mga batas, mga presidential decree, mga atas tagapagpaganap o mga bahagi niyon na di naaayon sa mga probisyon ng Batas na ito ay pinawawalang-saysay o sinususugan gaya ng nararapat.

 

 

SEK.  21. Pagkakabisa. -  Magkakabisa ang Batas na ito pagkaraan ng labinlimang (15) araw kasunod ng  kompletong pagkakalathala nito sa Official Gazette o sa isang (1) pahayagang may pangkalahatang sirkulasyon.

 

 

Pinagtibay,

 


(LGD.) RAMON V. MITRA                                     (LGD.) JOVITO R. SALONGA 
Espiker ng Kapulungan                                           Pangulo ng Senado 
   ng mga Kinatawan

 

 

           Ang bill na ito na  isang konsolidasyon ng Senate Bill No. 209 at House Bill No. 21280 ay ipinasa sa wakas ng Senado  at ng Kapulungan ng mga Kinatawan noong Hunyo 6, 1991.

 

(LGD.) CAMILO L. SABIO                                    (LGD.) EDWIN P. ACOBA
  Sekretaryo  Heneral                                         Sekretaryo ng Senado
Kapulungan ng mga Kinatawan


Pinagtibay:    Agosto 14, 1991

 

(LGD.) CORAZON C. AQUINO
Pangulo ng Pilipinas