---
ATAS NG PANGULO NG PILIPINAS
PROKLAMASYON BLG. 1041
NAGPAPAHAYAG NG TAUNANG PAGDIRIWANG
TUWING AGOSTO 1-31 BILANG BUWAN NG WIKANG PAMBANSA
SAPAGKAT, ang pagpapahalaga sa isang katutubong wikang pambansa ay pinatutunayan ng pagkakaroon ng kaukulang probisyon sa Saligang-Batas ng 1898, 1973 at 1987;
SAPAGKAT, ang isang katutubong wikang panlahat ay mahalagang kasangkapan sa komunikasyon, unawaan, kaisahan at kaunlaran ng bansa;
SAPAGKAT, ang katutubong wikang nagsisilbing batayan ng nililinang, pinauunlad at pinagyayaman pang wikang pambansang Filipino ayon sa itinakda ng Saligang-Batas ng 1987, ay gumanap ng mahalagang tungkulin sa Himagsikan ng 1986 tungo sa pagkakamit ng Kasarinlan na ang ika-100 Taon ay kasalukuyang ipinagdiriwang at ginugunita ng sambayanang Filipino;
SAPAGKAT, ang dating Pangulong Manuel L. Quezon, ang itinuturing na Ama ng Wikang Pambansa, ay isinilang noong Agosto 19, 1878;
DAHIL DITO, ako, si FIDEL V. RAMOS, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa bisa ng kapangyarihang kaloob sa akin ng batas, ay nagpapahayag ng taunang pagdiriwang tuwing Agosto 1-31 bilang Buwan ng Wikang Pambansa, sa pangunguna ng mga pinuno at kawani sa sector ng pamahalaan, mga pinuno at guro sa sector ng edukasyon, mga kinatawan ng pakikipag-ugnayang pangmadla, mga pinuno at miyembro ng iba’t ibang organisasyong pangwika, pang-edukasyon, pangkultura at sibiko, at mga organisasyong di-pampamahalaan.
BILANG KATUNAYAN, lumagda ako rito at ipinakintal ang tatak ng Republika ng Pilipinas.
GINAWA sa Lungsod ng Maynila, ngayong ika-15 ng Hulyo, sa taon ng Ating Panginoo, Labinsiyam na Raan at Siyamnapu’t Pito.
(Lgd)FIDEL V. RAMOS
Akda ng Pangulo:
(Lgd)RUBEN D. TORRES
Kalihim Tagapagpaganap
Comments (0)
You don't have permission to comment on this page.