| 
  • If you are citizen of an European Union member nation, you may not use this service unless you are at least 16 years old.

  • Stop wasting time looking for files and revisions. Connect your Gmail, DriveDropbox, and Slack accounts and in less than 2 minutes, Dokkio will automatically organize all your file attachments. Learn more and claim your free account.

View
 

Sa Psyche ng P

Page history last edited by PBworks 13 years, 10 months ago

 

Sa Psyche ng “P”

isinulat ni : Purple S. Romero

 

I. Mr. Rivera

 

O Senator Rivera, na sa ilang taon simula ngayon ay gagawa ng isa sa dalawang ito: dadalhin ako sa airconditioned na grocery, kung saan hahablot si kamay ng tinapay, tuna,mansanas, o kaya naman ay sa maalinsangan at malamok na espasyo na may mga lalaking puro mga salitang may isang baybay lang ang sinasambit. Sa espasyong iyon ay pipi naman talaga lahat: ang batas, ang katotohanan, ang diplomasya; armalite lang ang may boses. Sa ngayon ay dito sa gusaling pinapatawa ng telang Amerikana at mga hungkag na argumento niya ako madalas isama.

 

Kailangan,maraming kamera e.

 

Kapatid ako ng pinsan ng unang nabili ni Senator Rivera. Kagaya ng dati, kape ang kulay, banat na banat, akala mo totoo. Mamahalin ako, mga ginoo at ginang, at dapat lang, dahil mahirap ang trabaho ko. Kumplikado kasi ang hugis ng ulo ni Senator Rivera – may mga biglang lubak kumbaga sa kalsada, may umbok bigla sa kanan, at mabaho pa. Pitong araw sa isang linggo nandito ako sa posisyong ito, minsan dinadalaw ng matatabang daliri ni Senator, minsan ng asul na suklay.

 

Pero masaya rin, dahil mayaman nga si Senator. May espesyal ako na lunan kapag gabi na at siya’y hihiga na sa kama. Parang ipinasadya na attache case ang aking paraiso, tamang-tama lang sa aking laki, walang hibla ko ang hindi nakakapagpahinga.

 

Marami ngang naiingit sa ‘kin sa parlor kasi nakakarating ako hanggang London, Bolivia, New York. Suot-suot ako ni Senator sa mga lupaing may ibang pusyaw ang liwanag at may ibang relihiyon ang demokrasya. Doon, sa mga lugar na iyon, marami akong kamukha, kape rin ang kulay nila, mayroon ring mga mapang-akit na blonde, tapos pula, hindi kagaya sa ‘Naspi, puro itim, nagkalat ang itim.

 

Pero ewan ko ba, mas mahal ko ang mga itim na kagaya ko, ngunit hindi katulad.(Totoo kasi sila, samantalang ako’y impostor lang.)

 

Nakikita ko sila na ginagawang palaruan ng mga alikabok, at nakikita ko ang paghalik ng pawis sa kanilang ugat. Sila’y nasa ulo ng mga karpintero na nandun sa ipinapatayong waiting shed ni Senator, mabigat na lumilipad sa paminsan-minsa’y pagdampi ng hangin. Minsan sila’y maalon, ngunit tuyot, at nakaupo naman sa mga ulo ng mga nanay na naubusan na ng alak ng pagka-Eba, naglalaba diyan sa may kanal, kapagkuwa’y nagpupunas ng uhog ng anak. Mas mahal ko sila, ang mga itim na ito.

 

Ngunit, nakakalungkot rin, dahil sa loob ng gusaling may alingawngaw ng talino, pagtatalo, at klik! ng kamera, may mga itim na nakakagalit, nakakahiya. Malilinis itong mga ito, ginamitan ng mahal na mga kemikal, nagugulo kapag una, may mga diskusyon na saliwa ang prinsipyo, paano’y ‘yung iba ay maka-Presidente, nabayaran ng Presidente, ‘yung iba ay hindi, kinuripot ng Presidente, at pangalawa, kapag nahimlay sa lamesa dahil sa natutulog ang Senador. ‘Pag kagising ng Senador, magulo na ang itim na ito, may kunting hiblang nawala sa hakab ng pomada, kailangang ayusin ulit.

 

Kahit may mga itim na ganito roon, mas marami ang puti. Nakakabalisa, kung sino pa ang puti, sila pa ang pasensya na ha, pero sila pa ang mas gago.

 

At dahil rin sa mga lihim ng mga itim at puti na ito, nangyari ang Oktubre 20.

 

Blag!

 

Bati ‘yan ng Oktubre 20 sa buhay ko. Nagsasayaw sa ulol na poot ang katinuan ni Senator Rivera, pabalibag ang pagbukas at pagsarado niya ng pinto; ang ingay nililigawan niya, humihiyaw siya ng mga mura at mga sumpa. Isang oras bago ito, napipi si Senator Rivera. Bahaw ang tunog ng kanyang paghinga sa maliit na mikropono kanina sa gusaling lagi niyang kaulayaw – isang sagot ng pagkatalo (at pag-amin?) sa mga boses na nag-uunahan sa pagpula at pagtatanong sa kanyang mga planong umiikot dun sa waiting shed na nabanggit ko kanina.

 

Medyo nagugulo na ko, nawawala na sa posisyon, dahil sa marahas niyang paggalaw. Naroong ibato niya ang bote ng iniinom niya, naroong ihagis niya ang mga libro niya, naroong – sandali, sandali – naroong…narrroonnngg…rrrnggg…

 

…ako naman ang ibinato niya. Sapul ang malambot kong katawan sa matigas at mayabang na pader.

 

Ng gabing iyun, natulog si Senator Rivera ng hindi ako nilalagay sa paraiso ko. Ginawa akong kama ng mga ipis. May mga buntis na inihiga ang kanilang mabigat at mabahong katawan sa akin. May mga napalo o naapakan na nangingisay-ngisay at naglalabas ng puting likido ang namahinga na at namatay ng tuluyan sa katawan ko. May mga nakakasakal na dumi na sa akin ay dumapo, may mga gagambang tinukso ako ng kanilang sapot. Hindi ako nakapagpahinga, at hindi ko rin napatawad si Senator Rivera.

 

Dalawang araw pagkatapos noon, isinuot ulit ako ni Senator papuntang airport. Pupunta yata siyang Sweden, hindi ko alam, tatakas yata.

 

Paakyat na siya ng eroplano ng ginawa ko ang aking paghihiganti: kailangan ko lang ng isang bungisngis ng hangin, hinintay ko ito, at pagkatapos ay ginawa ko na ang narararapat. Maraming tao, bumabandera ang kulay pula, dilaw, lila, kahel. Ngunit ang mapang-akit lang sa mata ko ay ang bughaw na nakayakap sa langit.

 

Humangin sandali, pinagaan ko ang aking katawan, at nilisan ko ang bunbunan ni Senator Rivera.

 

Sabay sa ‘pag-

 

-“Klik!”

-“Klik!”

-“Klik!”

 

ng isandaan at isang mga kamera.

 

Kinabukasan, headline ako sa tabloid, star ako sa Channel 1,8,3.

 

I. Si Mena

 

Tama na ang pagluha, Mena.

 

Gabi-gabi na lang binabautismuhan mo ako ng pagdurusa mo. Minsan mo lang ako nililinis. Wala akong paraiso sa ‘yo. Pero alam ko,hinding-hindi kita iiwan, katulad ng nagawa ko kay Senator.

 

Tahan na at isuot mo na ako, nagtatawag na ang manager ninyo. Wisikan mo na ‘ko ng kunting spraynet.Maraming tao ngayon, gabi ng Miyerkules e. Maraming mga nagkukunwaring tao ang kailangan ng katinuan na nawala nuong nasaktan sila ng Martes pagkatapos umasa nung Lunes. Ayan, kape ang kulay ko, ‘di ba, Mena, bagay sa panty mong kulay kape rin.

 

Sisinghot ka na naman ng Mary Jane, sana ay ‘wag na. Pero, pero,pero, ayan, natatawa ka na, nagpapahid na ng luha, lumiliwanag na ulit ang de-contact lens na mata. Pero sana ay dumating ang gabi na hindi mo na kinakailangang suminghot para lang maging matapang, at maging hit sa humor ng mga kaluluwang nagpipista sa sandaling pagtakas.

 

Ayan, kamukha mo na ang mga showgirls sa Las Vegas. Magsayaw ka Mena, kumanta ka, magmura, magbiro ng malaswa.

 

Nakakapagpasaya ka ng tao, at mukhang masaya ka rin naman. Walang biro, magaling ka sa ginagawa mo. Watch out, Allan K., may papalit na sa ‘yo Joel O.

 

Anong oras na ba?

 

Ala-sais ng umaga. Uuwi ka na rin, may kasama ka bang lalaki ngayon? ‘Yung isa mong kasama nung isang gabi hindi ko na nakikita. Maganda na rin na ‘wag. ‘Pag nag-aaway kayo pati ako nadadamay, ang sakit rin na madantayan ng mabigat na palad.

 

Sige na, tanggal na ang lipstick, suot na ng t-shirt. Iwan mo na ‘ko dito sa piling ng mga costumes ninyo na kumukutikutitap na animo’y mga tala. Kasama ko naman ang mga kapwa ko na kakaiba naman ang mga kulay, mga matitingkad na berde, pink, indigo – sige na, umuwi ka na at nandito naman ako sa kanlong ng pinaghalo-halong bahaghari.

 

Si Mena ay si Milo, guwapo ‘yan kapag hindi pa niya ko suot, hawig niya si John Estrada. Pero mukhang mas gusto niyang mabuhay kapag suot na niya ako at may mga pads na sa kanyang bra.

 

Binibisita ako hindi lang ng mga ipis nang napunta ko kay Mena, meron na ring mga nakakarimarim na mga daga, at mga hininga ng mga lalaking minahal niya.

 

Pero kagaya ng nasabi ko sa inyo, hindi ko iniwan si Mena.

 

Si Mena ang umiwan sa akin.

 

Katatapos lang ng show niya noon. May isang kostumer na gusto pa yatang makinig ng mga kanta ng Spice Girls ang biglang pumasok sa dressing room. Pinipilit si Mena na sumama sa kanya. Nuong una, nagbibiruan pa sila, nagtsatsansingan pa. Ng biglang natulala na lang ang iba pa niyang kasama, at naramdaman ko ang init ng bagong tilamsik na dugo sa aking katawan.

 

Hindi na nakapagpaalam sa akin si Mena. Ngunit alam kong hindi kami talaga naghiwalay – hanggang sa langit, alam kong masaya akong isinasayaw ng isang palaisipang ang ngalan ay Mena.

 

I. Si Irene

 

Si Aris ang tanging kaibigan ni Irene, ang tanging nagtitiyagang magpalit ng salawal niya kapag naiihian niya ito. Si Aris rin ang nagtitiyagang magpakain sa kanya kahit idinidura lang niya ang bawat pagkaing isubo sa kanya, kahit pa ito ay ang paborito niyang bilo-bilo.

 

Si Aris rin ang dahilan kung bakit niya ko suot ngayon.

 

Sa lahat ng mga ulong nasukuban ko na, paborito ko ang ulo niya – mabango kahit hindi pa siya madalas naliligo, may likas na amoy ng kainosentehan. Malambot rin ang bunbunan niya.

 

At isa pa, napapangiti ko siya. Kaya iba, iba ang pakiramdam ko ‘pag ako’y suot niya.

 

Isinusuot niya ako kapag papasok siya ng kapilya, o kaya kapag mag-aaral na siya sa isang silid na may nakapinturang mga paruparo at bulaklak sa dingding.

 

Pupunasan ni Aris ang maliit na katawan ni Irene, susuotan ng uniporme, tapos ilalagay niya ako dahan-dahan sa ulo ni Irene. Tapos ay maglalakbay na kami palabas sa ospital na ‘yun. Itutulak na ni Aris ang wheelchair.

 

Nang unang humarap si Irene sa salamin kasama ako, nagkaroon ng maliit na halik ng pula sa mga pisngi niya, itinaas niya ang kanyang mga kamay, at pumalakpak siya ng paulit-ulit. Sumilay ang ngiti sa mukha ng isang anghel, at nagkaroon ng pag-asa.

 

Bagay ako sa mala-pusong korte ng mukha niya. Kape rin ang kulay ng kanyang mga mata.

 

Hindi ko nga alam kung paano ako napili ni Aris, dahil hindi naman niya ko nakikita.

 

Mahilig sa lobo at mga kuwento tungkol sa prinsesa ang kuwartong pinagpapahingahan ko ngayon. Hindi na kasi ko tinatanggal ni Irene sa ulo niya, masarap pala dumantay sa unan, kahit amoy gamot ito. Mga lamok na ngayon ang kapiling ko, ngunit hindi ko na ito alintana.

 

Kahit minsan ay natatanggal ako dahil biglang manginginig ang kanyang katawan, at mamimilipit siya sa isang sakit na hindi ko maintindihan kung bakit siya pa ang nagkaroon, at pagsapit minsan ng bukang-liwayway, makikita ko na lang na ako’y nasa puting sahig na. Pero hindi ko magawang malungkot o masaktan.

 

Basta alam ko, pagsapit ng gabi, naglalakbay ako sa mga pangarap at panaginip ng isang anghel, at isang bulag na ama.

 

Natagpuan ko na ang tahanan ko.

 

Ito, ito ang ulo para sa akin, at para sa aking mga alaala sa isang lipunang maraming ulo, ngunit walang isip.

Comments (0)

You don't have permission to comment on this page.