| 
  • If you are citizen of an European Union member nation, you may not use this service unless you are at least 16 years old.

  • Stop wasting time looking for files and revisions. Connect your Gmail, DriveDropbox, and Slack accounts and in less than 2 minutes, Dokkio will automatically organize all your file attachments. Learn more and claim your free account.

View
 

Si Poldong Manunulat

Page history last edited by PBworks 13 years, 10 months ago

 

SI POLDONG MANUNULAT

 

ni Crispulo S. Alarde, Jr.


 

Ang ayaw ni Poldo.

“ Hindi ba sinabi ko sa inyo,” galit na bungad niya sa anak, “ kapag nasa loob ako ng silid, walang istorbo!” Malakas ang boses at pagalit pa ang pahayag ni Poldo sa anak.

Halos maluha naman sa pagkakatayo sa may pintuan ng silid si Aya, ang panganay na dalagitang anak ni Poldo. Hindi makapagsalita. Nasa mukha ang takot sa ama.

“ Bakit ba?” Dagdag pa niya.

“ K-Kakain na daw po,” nangangatal ang boses na pahayag ni Aya.

Pabagsak na isinara ni Poldo ang dahon ng pintuan.

“ Kakain ako kung gusto ko!”

Muling naupo sa harap ng kompyuter si Poldo. Pinagmasdan ang monitor ng kompyuter.

Blangko pa rin.

Halos tatlong oras na siyang nakaharap sa monitor.

Blangko at blangko pa rin ang monitor.

Wala siyang maisip na isulat. Walang bagong ideyang pumapasok sa kanyang imahinasyon. Ilang ulit na rin siyang binigo ng mga editor sa publisyer na pinagdadalhan niya ng kanyang mga naunang naisulat.

“ Pasenya ka na Mr. Lagrimas, “ Love and Romance” kasi ang tipo ng aming mga aklat,” ayon sa editor.

“ Pesteng romansang ‘yan! Kaya walang iniisip ang mga kabataan kundi ang romansa! Romansa! Sex!” Galit na inihagis na lamang ni Poldo ang disket na pinaglalagyan ng kanyang kuwento. Nilamon iyon ng maduming tubig na dumadaloy sa nangingitim na kanal.

Tanging si Elena, ang butihing asawa ni Poldo ang nakakaunawa sa damdamin ng asawa. Alam niyang pagsusulat ang hilig ni Poldo. Hindi ang mga naunang trabahong pinasok ng asawa sa mahaba-haba ring panahon.

Dating kawani sa munisipyo si Poldo. Ayaw ni Poldo ng sobrang pulitika. Nasusuka daw siya sa dumi ng mga pulitikong nakilala niya at nakakasama sa loob ng munisipyo.

Tapos sa pagiging titser si Poldo. Pasado sa Teacher’s Board, isang beses lamang siyang nag-renew ng lisensya niya sa PRC at pagkatapos noon, nag-resign sa pagka-titser sa public school.

“ Ayaw ko! Sobrang liit ng suweldo…aba’y alila ka na ng mga bata at magulang, utusan ka pa ng principal, supervisor at pati COMELEC…entertainer ka pa ng mga abusadong pulitiko at mga taong may matataas na puwesto sa gobyerno!” Katuwiran ni Poldo.

DATI naman, maganda ang takbo ng buhay ng pamilya ni Poldo. Ulirang ama siya ng tatlong anak na nagsisipag-aral sa higth school. Subalit nang dumating ang pagkakataong hindi na nakakasapat ang kinikita niya sa pangangailangan nilang mag-anak, nag-isip-isip na si Poldo na humanap ng ibang pagkakakitaan.

Pagsusulat. Alam niyang may talino siya sa pagsusulat. Nasa high school pa lamang siya noon nang sabihin sa kanya ng kanilang guro sa subject na Pilipino na may talent siya sa pagsusulat.

Hanggang noong nasa college na siya. Laging laman ng kanilang campus journal ang mga tulang panggising sa natutulog na bayan ang mensaheng laman ng mga akda ni Poldo, lagi siyang kasama sa mga rali at piket na ginagawa ng mga mag-aaral sa kanilang unibersidad, siya din ang madalas na nagtatalumpati sa harap ng gusali ng kongreso. Pasyalan din niya noon ang tulay ng Mendiola at EDSA, maging sa gate ng Malacañang, kasama ng mga kabataang tulad niya’y may mataas na adhika para sa bayan.

Matagal na ‘yon.

Iba na ang buhay ni Poldo ngayon. Ibang-iba na kaysa noon. Hindi na niya alam kung may mga mata bang namulat at teyngang nabuksan ang kanilang ginawa noong mag-aaral pa lamang siya.

“ Anong susulatin ko?” Bulong ni Poldo habang nakatanaw sa labas mula sa bintana sa loob ng kanilang silid. “ Bakit ayaw nilang basahin ang mga akda ko?”

“ Pasensiya ka na Mr. Lagrimas, showbiz magasine kasi ang inilalabas namin,” ayon sa editor habang nakalahad kay Poldo ang hard copy ng kanyang manuscript.

Muli, inihagis ni Poldo ang folder ng kanyang manuscript sa ibabaw ng punung-punong basurahan sa tabi ng poste. Kasama ng mga basura sa gilid ng kalsada.

“ Mulat na ba ang lipunan ngayon? Ayaw na ba nilang magbasa ng mga katotohanan nakabalot sa lipunang timawa?” Nagpupuyos ang dibdib na bulong ni Poldo sa sarili.

“ Ayaw na ba nila ang mga paksang…”

“ Mga Puta sa Kalsada?”

“ Sa Maynila, bawal ang mamalimos at maglimos, dahil gusto nila, sila lang ang namamalimos at kumamkam ng yaman mula sa mga tao.”

“ Mga pamilya sa Ilalim ng Tulay, Bangketa, kariton at Luneta?”

“ Mga Batang Rugby.”

“ Pokpok sa Mall”.

“ Mga Lalaki sa Gay Bar”.

“ Ang Buwaya sa Malamig na Silid”.

“ Orgihan sa Classroom”.

“ Service Center sa mga Sinehan”.

“ Mga Rampadorang laman”.

“ Bless Me Father…Fuck me! “.

“ Lahat…lahat ng nakikita ko, lahat ng nadarama ko, lahat ng gusto kong ilahad sa kanila, bakit ayaw nila ilathala ang katotohanang hawak ko?” Tiim-bagang pagmamaktol ng isip at damdamin ni Poldo.

Iba na nga ang buhay ni Poldo ngayon. At hindi lang siya, pati buhay ng kanyang pamilya.

“ Anong sabi?” Tanong ni Elena sa anak.

Tahimik na naupo si Aya sa harap ng hapag. Tahimik din sina Oyo at Lara.

Nasa third year na si Aya, habang sina Oyo at Lara ay nasa second year at first year. Si Elena ang bumalikat ng buhay nila nang huminto sa pagtatrabaho si Poldo.

“ Bilisan ninyo, mahuhuli kayo sa klase,” ayon kay Elena at nilagyan ng sinangag ang bawat pinggan ng tatlong anak.

“ Inay, hindi na po kami tatanggapin sa school,” mahinang pahayag ni Oyo.

Makailang-ulit nang promissory note ang ginagamit ng kanyang mga anak sa pagkuha ng pagsusulit sa school.

Sinangag na lamang ang nakahain sa mesa.

Dalawang resibo na ng Meralco at NAWASA ang hawak niya. Sapin-sapin na rin ang listahan na ipinadala ng mga tindahang inuutangan nila. Mahihinto na sa pag-aaral ang kanyang mga anak.

“ Tama, bakit nga ba hindi…” tila may kung anong ideya ang pumasok sa isip ni Poldo habang nakatanaw sa pamilyang nakatira sa tahanan sa tapat ng kanilang bahay. Kilala niya ang pamilya. Tahimik at sagana sa buhay, dahil sa magandang trabaho ng lalaki sa isang malaking kompanya.

“ Isang buo at ulirang pamilya…tama, sa oras na ikuwento ko ang buhay ninyo, tiyak na tatanggapin na ng publisher ang gagawin kong kuwento ninyo.”

Buo na ang ideya sa isip ni Poldo.

Wawasakin niya ang buhay ng pamilya. Lalagyan niya ng element of conflict ang pamilya. Tipong love story, o kaya naman, love and romance. Sasangkapan pa niya ng kaunting horror, dahil maaktohan ng lalaki na nakikipagtalik sa kobrador ng kuryente ang kanyang magandang asawa. Mapapatay ng lalaki ang kobrador at makukulong siya, si babae naman, mababaliw dahil sa kasalanang nagawa sa kanyang asawa, habang ang kanilang mga anak ay magpapagala-gala sa kalsada, namamalimos, hanggang matutunang magbenta ng katawan.

“ Susundin ko kung anong gusto nilang ikuwento ko…ang buo, wawasakin ko, ang wasak, bubuuin ko!”

Buo na nga ang plano ni Poldo. Mula sa maghapong paglalakad-lakad sa iba’t ibang lugar sa lungsod, umuwi siya ng bahay, upang simulang harapin ang pagbabago ng kanyang istilo sa pagkukuwento. Ibig niyang sundin kung anuman ang nais ng mga mambabasa sa kasalukuyan, ibig niyang maging manunulat.

Nang dumating siya sa kanilang bahay. Madilim sa loob, tahimik.

“ Elena…” Marahang tawag niya sa asawa.

Subalit walang Elena na lumapit sa pintuan upang pagbuksan siya.

Kinuha ang susi sa ilalim ng paso na nakapatong sa pasimano ng teresa. Binuksan ang pintuan.

“Elena?” Aniya.

Klik! Muling Klik!. Wala talagang ilaw. Wala na silang kuryente. Binuksan niya ang bintana upang pumasok ang liwanag na nanggagaling sa labas ng bahay. Mabilis na tinungo ni Poldo ang kanilang silid.

Wala si Elena. Wala din ang kanilang mga anak. Iniwan siya ang kanyang mag-iina. Lumapit sa may bintana si Poldo upang papasukin ang liwanag sa loob ng kanilang silid. Mula sa bintana, natanawan niya ang masayang pamilya sa tapat ng kanilang bahay, masayang nanunuod ng telebisyon ang mag-anak.

Tila may kung anong kirot ang nadama ni Poldo sa kanyang kalagayan. Mas dapat palang paksain ng kuwento ng pamilya niya.

Comments (0)

You don't have permission to comment on this page.